SINALUBONG ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., si Admiral Adoong Pan-lam, Commander-in-Chief ng Royal Thai Navy, sa kaniyang ginawang courtesy call.
Sa kanilang pagpupulong, pinasalamatan ni General Brawner si Admiral Pan-lam sa patuloy na kooperasyong militar ng Royal Thai Navy sa AFP.
Nagpalitan din ng pananaw ang dalawang partido tungkol sa pagpapalakas ng kanilang kakayahan sa maritime security sa pamamagitan ng mga joint maritime exercises at defense training.
Ang ugnayang militar na ito ay nakabatay sa 1997 Philippine-Thailand Memorandum of Understanding (MOU) on Military Cooperation.
Bilang mga founding members ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), muling pinagtibay ng dalawang partido ang kanilang pangako sa isang rules-based international order upang isulong ang kaunlaran ng rehiyon.
Ang nasabing hakbang na ito ay sumasalamin sa mga pagsisikap ng AFP na palakasin ang kooperasyong depensa kasama ang mga bansang may kaparehong layunin upang mapanatili ang katatagan at kapayapaan sa Timog-Silangang Asya.