ONE AFP, One Philippines, ito ang isa sa mga laman ng paalala ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner, Jr. sa kaniyang pagbisita sa mga tropa ng 10th Infantry Division at Eastern Mindanao Command nitong Pebrero 3, 2024.
Naniniwala ang heneral na hindi magagawang magtaksil ng mga sundalo sa kanilang sinumpaang tungkulin bilang isang propesyunal na kawal ng pamahalaan.
“I am not worried because I know that the new breed of soldiers are professionals. Let us remain united and loyal to the Constitution and the chain of command,” ani General Brawner, Jr.
Patuloy ring hinimok ni General Brawner ang mga kasamahan nito na magpokus lang sa kanilang trabaho.
Iisa lang aniya ang ating Pilipinas at iisang bansa kung kayat dapat na ipagmalaki natin ito bilang iisang mamamayang Pilipino.
“Focus lang tayo sa trabaho natin. Isa lang ang ating Pilipinas, isa lang ang ating bansa. Let us be proud of our heritage, let’s be proud of who we are as a people. Pilipino tayong lahat kaya mahalin natin ang ating bansa,” dagdag pa ng heneral.
Sa gitna ito ng usap-usapang pagsasarili ng Mindanao sa Pilipinas na tahasan naman tinututulan ng AFP.
Nauna nang nilinaw ng AFP na ang pagbisita ni Brawner sa Mindanao ay upang kamustahin ang morale ng mga tropa doon sa gitna ng mga ginagawa nitong pagtulong sa mga biktima ng kalamidad sa malaking bahagi ng Davao Region taliwas sa umano’y planong pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na unang nagpahayag ng pagsasarili ng Mindanao bilang isang republika.