AFP, nagbigay ng suporta sa pag-iikot ng relics ni St. Therese

AFP, nagbigay ng suporta sa pag-iikot ng relics ni St. Therese

NAGBIGAY ng suporta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa transportasyon at seguridad para sa ligtas na pag-iikot ng relics ni St. Therese of the Child Jesus sa bansa.

Dumating ang relics ng tinaguriang “Little Flower of Jesus” sa Pasay City mula sa Lisieux, France noong Lunes, kasabay ng kanyang ika-150 anibersaryo ng kapanganakan.

Ito rin ang ika-5 pagbisita sa Pilipinas ng pilgrim relics at mag-iikot sa iba’t ibang diyosesis at piling military chapels hanggang Abril 30.

Nabatid na nagtalaga ng mga tauhan ang AFP sa koordinasyon ng Military Ordinate of the Philippines (MOP) at Command Chaplains para magsilbing security personnel at pallbearers sa pag-ikot ng pilgrim relics.

Ang MOP ay itinalaga ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) bilang official host ng pagbisita ng relics na may temang “Lakbay Tayo, St. Therese! Ka-Alagad, Kaibigan, Ka Misyon”.

Inaasahang bibisita ang relics sa Kalinga, Laoag, Antipolo, Virac, Sorsogon, Catarman, Naval, Cebu, Tagbilaran, Capiz, Bacolod, Zamboanga, Tawi-Tawi, Cotabato, Surigao, Iligan, Pasig at Puerto Princesa.

Follow SMNI NEWS in Twitter