AFP sa BSKE 2023 candidates: Huwag magbigay ng pera sa CTGs

AFP sa BSKE 2023 candidates: Huwag magbigay ng pera sa CTGs

ILANG tulog na lang at magaganap na ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.

Sa ngayon ang mga kandidato ay abala sa pangangampanya sa kani-kanilang mga lugar.

Ngunit bago pa ito, walang humpay ang panawagan ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga kandidato na huwag labagin ang mga patakaran sa election upang hindi maparusahan.

Kaugnay nito ay nananawagan din ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga tumatakbong kandidato sa barangay na huwag magbigay ng pera sa mga communist terrorist group (CTG) na New People’s Army (NPA) bilang permit to campaign at permit to win.

Ito ang inihayag ni AFP Chief of staff Gen. Romeo Brawner, Jr. araw ng Miyerkules sa isang Pulong Balitaan sa Manila Bay.

“Nanawagan kami sa ating mga kababayan lalong-lalo na ‘yung mga tatakbong barangay captain, kagawad, SK chairman and members na huwag na kayong magbigay sa mga nag e-extort ‘wag na po,” ayon kay Gen. Romeo Brawner Jr., Chief of Staff, AFP.

Kasabay nito, kinumpirma rin ng AFP chief na maraming miyembro ng NPA ang ipinagpaliban muna ang pagbabalik-loob sa pamahalaan dahil nais muna ng mga ito na mangolekta ng pera sa mga kandidato.

“Alam niyo po noong nakaraan, marami na sanang mag-surrender noong nakaraang election, presidential election, andami sanang magsu-surrender na NPA pero ‘yung mga nakausap namin na hindi muna sila magsu-surrender dahil mangongolekta muna sila ng permit to campaign and permit to win, ganun na naman dito sa election na ito,’’ ani Gen. Brawner.

Kaugnay rito inihayag ng AFP chief na nakaalerto ang buong kasundaluhan para sa eleksiyon sa barangay patunay rito ang mga ginawa nilang mga command conference at ang pagpapakalat ng dagdag na puwersa sa mga lugar na mainit ang politika kagaya na lang sa mga lugar katulad ng Maguindanao at Abra.

“Marami na po tayong nagawang mga command conferences.’’

“But of course, lead ‘jan ang Philippine National Police (PNP) pero nandiyan po ang mga sundalo natin na tutulong.’’

“We will on alert and we will deploying our soldiers special dun sa mga hot spots for this election tuluy-tuloy po ‘yung suporta natin in fact nag-deploy na po tayo sa Maguindanao, sa Abra ng additional forces,’’ dagdag pa ni Brawner.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter