ASAHAN na uusisain na rin sa Senado ang cash assistance program ng gobyerno na Ayuda para sa Kapos sa Kita Program (AKAP) na para kay Sen. Imee Marcos ay bigla na lamang sumulpot sa 2024 National Budget.
Ang AKAP ay kabilang sa mga social assistance program ng gobyerno na pinaniniwalaang pambayad sa mga pumirma sa People’s Initiative (PI) na nagsusulong ng pag-amyenda sa Saligang Batas o Charter Change.
Ayon sa senadora, batay sa kaniyang mga natanggap na report, P60-B ang budget sa AKAP mula sa General appropriations Act (GAA).
Mula sa nasabing halaga, P26.7-B ang nakalaan sa DSWD habang palaisipan pa rin kung nasaan ang iba.
Lumutang o naisingit lamang ito aniya matapos ang Bicameral Conference Committee, kahit ang Department of Budget and Management (DBM) ay wala ring alam.
“Ang DBM ang sabi first time nila nadinig walang IRR, anong klase to? Eto naghahagilap tayo ng pera para sa irigasyon kasi El Niño, naghahagilap ng pera para sa PUV, wala tayong pera para sa rice farmers natin pero meron tayong pera para ilustay sa ganito? wika ni Sen. Imee Marcos.
Nananawagan naman ngayon ang senadora sa DBM na wala munang i-release na pondo para sa AKAP.
Paalala niya na dapat maingat ngayon ang gobyerno sa mga nilalabas na budget para sa mga ahensiya ng pamahalaan dahil sa posibleng magamit ito ng mga kakandidato sa 2025 Midterm Elections.
“Alalahanin natin ang 2024 budget, eto, GAA kung saan nagkasingitan ng kung anu-ano is the election budget for 2025. So, dapat mas maingat tayo talaga sa pagsisilip ng mga item. Kasi ayaw natin na magamit ang kakarampot na pondo ng gobyerno,” dagdag ni Sen. Imee.
Pero batay sa dokumento mula sa House of Representative ay lumalabas na kabilang si Sen. Imee at iba pang senador na pumirma para sa pagpapatupad ng nasabing programa.
Sagot naman ng senadora ay kailangan itong rebyuhin.
“Alam mo ang problema electronic signature kaming lahat. At saka ang ginagawa ngayon ay talagang nilalagay na ‘yung signature namin pagkatapos na. Picture taking lang kami eh. Mali itong proseso. Kaya malamang kailangan rin aralin itong proseso ng BICAM,” ani Sen. Imee.
Sa kabilang banda ay pinanindigan naman ng DSWD na ang AKAP ay nakapaloob sa 2024 National Budget at alam ito ng mga senador.
Pero ayon kay DSWD Assistant Secretary Rommel Lopez ay wala pang nagagastos na pera para sa AKAP dahil sa kawalan nito ng implementing guidelines.
“We cannot implement itong AKAP. Isa rin sa ating paglilinaw not even a centavo nitong AKAP that has been earmarked sa DSWD has been spent. Kailangan po muna natin ng malinaw na implementing guidelines. ‘Di tayo papayagan ng Department of Budget and Management kung wala tayong implementing guidelines na dumaan din sa kanilang scrutiny,” wika ni Asec. Rommel Lopez, DSWD.
Sa kasalukuyan ay iniimbestigahan ng Senate Committee on Electoral Reforms ang pagtutulak ng Charter Change sa pamamagitan ng PI pero ani Marcos kailangan ng hiwalay na imbestigasyon para sa AKAP.