AKAP Program ng DSWD, kinuwestiyon sa Senado

AKAP Program ng DSWD, kinuwestiyon sa Senado

KINUWESTIYON sa Senado ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) assistance program na kilala sa tawag na Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP).

Ayon kay Sen. Imee Marcos, ni minsan ay ‘di niya narinig ang nasabing programa sa mga pagdinig sa Senado.

Si Sen. Imee ang Chairperson ng Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development na siyang oversight committee at nagdedepensa sa taunang budget ng nasabing ahensiya ng gobyerno.

Sa pagdinig ng Senado sa umano’y suhulan sa People’s Initiative (PI) na nagkakampanya ng Charter Change, ipinagtataka ng senadora kung bakit may malaking alokasyon sa badyet ang AKAP.

“Gusto ko lang humirit. Nagulat din ako sa AKAP at mas lalo akong nagulat sa halaga, P26.7 billion. Isang programang ngayon ko lang natuklasan at ngayon lang narinig pero may bilin sa text, all soft projects including AKAP must go through the Office of the Speaker,” saad ni Sen. Imee Marcos, Chair, Committee on Electoral Reforms.

Si Marcos ang unang nagbunyag na P20-M ang inaalok sa bawat congressional district na makakapagbigay ng malaking bilang ng lagda para sa PI.

Ang pera ay kukunin aniya mula sa assistance programs ng DSWD, Department of Health at Department of Labor and Employment.

Ang AKAP ay isang social program ng pamahalaan sa ilalim ng DSWD na nagbibigay ng one-time P5,000 financial assistance sa mga mahihirap na sumasahod ng mas mababa sa P23,000.

Kinuwestiyon din ni Sen. JV Ejercito si DSWD Undersecretary Fatima Aliah Dimaporo tungkol sa layunin at implementasyon ng AKAP.

“Ako rin medyo naging curious doon sa AKAP na ngayon ko lang narinig, ‘no. Siguro, can I ask the DSWD what is this program about? Is it just between the House and the [DSWD] kasi wala ho kami sa Senate na alam niyan. So, is it with DSWD and House of Representatives, ‘yung program na ‘yon?” ayon kay Sen. JV Ejercito.

Maging si Usec. Dimaporo ay inamin din na hindi siya pamilyar sa AKAP at kulang ng guidelines bukod sa hindi ito isang regular na programa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble