Ako OFW Party-list, nilinaw na hindi sila pumirma at hindi pipirma sa impeachment ni VP Sara

Ako OFW Party-list, nilinaw na hindi sila pumirma at hindi pipirma sa impeachment ni VP Sara

NILINAW ng Ako OFW Party-list na hindi sila pumirma at kailanman ay hindi pipirma sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ginawa nila ang paglilinaw kasunod ng pagkalat ng maling impormasyon na nag-uugnay sa kanila bilang isa sa mga umano’y sumuporta sa nasabing hakbang laban kay VP Sara.

‘’Hindi po kami pumirma sa impeachment ni Vice President Sara Duterte at hinding-hindi naman din kami pipirma in the event,’’ ayon kay Marcia Sadicon, 3rd Nominee, Ako OFW Party-list.

Ginawa ng Ako OFW Party-list ang pahayag matapos nilang makatanggap ng sunod-sunod na mga komento na nag-uugnay sa kanila sa impeachment laban kay VP Sara.

Nagkaroon ng kalituhan matapos silang maiugnay sa OFW Party-list na pinamumunuan ni Congresswoman Marissa Del Mar Magsino, na siyang totoong bumoto laban kay VP Sara.

‘’Para po maliwanagan ang ating mga kababayan here in the Philippines and abroad ang Ako OFW ay hindi po ang party-list na isa sa mga pumirma in the impeachment of our beloved Vice President Sara Duterte. Ako OFW is not OFW Party-list,’’ saad ni Sadicon

Binigyang-diin ng Ako OFW na tutol sila sa naging hakbang ng ilang kongresista laban kay VP Sara, dahil anila, ang pagsalungat sa Bise Presidente ay pagsalungat din sa halos 32 milyong Pilipinong bumoto at nagtiwala sa kanya.

‘’Hindi pupwede na basta na lamang alisin ‘yung ating vice president dahil siya ay pinagkatiwalaan ng taumbayan. Boto ito ng almost 32 million na mga tao,’’ saad naman ni Atty. David Castillon, 2nd Nominee, Ako OFW Party-list.

Dagdag pa ng grupo, bilang isang party-list na kumakatawan sa iba’t ibang sektor, dapat nilang tugunan ang mga panawagan ng kanilang mga nasasakupan.

Isa sa mga panawagang ito ay mula sa maraming OFW na naniniwalang hindi dapat ma-impeach si VP Duterte.

‘’Let us not forget that our Vice President ay binoto ng nakararami lalo na ng ating Overseas Filipino Workers. Party-list should be representing the party na nirerepresenta ninyo lalo na ang partido ng mga OFW, mga overseas Filipino worker. Dapat tumugon tayo sa tawag ng ating mga kapwa OFW,’’ ani Reynaldo Santos, 4th Nominee, Ako OFW Party-list.

Hinikayat naman ng Ako OFW ang publiko na maging matalino sa pagboto at piliin ang mga kandidatong tunay na maglilingkod sa bayan at makagagawa ng mga batas na makakatulong sa pag-unlad ng bansa at sa bawat Pilipino.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble