ISANG makabuluhang aktibidad patungkol sa Gender Fair Language ang isinagawa para sa mga tauhan ng Metropolitan Environmental Office (MEO) – East sa Quezon City.
Ang aktibidad na ito ay isang paraan ng tanggapan upang pagyamanin sa lugar ng trabaho ang komunikasyon na gumagamit ng wika nang may paggalang sa lahat ng kasarian.
Dagdag dito, layunin nitong iwasan ang paggamit ng mga salitang may “gender bias” o nagpapakita ng pagkiling sa isang kasarian lamang. Ito rin ay isa sa mga aktibidad ng DENR National Capital Region na nagsusulong ng mas inklusibo at patas na pagpapahayag na kinikilala ang pagkakapantay-pantay ng lahat, anuman ang kasarian o pagkakakilanlan.
Si DENR-NCR General Services Section Chief Charisma De Guzman-Cruz ang nagsilbing tagapagsalitana kaniyang ipinaliwanag ang wastong paggamit ng gender fair language at kung paano ito nagiging tulay upang unti-unting mawala ang tradisyonal na “stereotypes” pagdating sa Sexual Orientation, Gender Identity, and Experession, sa kabuuan.
Ang seminar ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng DENR-NCR na isulong ang pagiging sensitibo at pagkakapantay-pantay ng kasarian sa loob ng ahensya.
Bilang karagdagan sa nasabing aktibidad, ang DENR-NCR ay nagtatrabaho upang ipatupad ang mga patakaran at programang tumutugon sa kasarian na nagbibigay-kapangyarihan sa mga empleyado nito at sa mga komunidad na pinaglilingkuran.
Editor’s Note: This article has been sourced from the DENR National Capital Region Philippines Facebook Page.