ARESTADO ang isang aktibong miyembro ng PNP Regional Office 3 o Central Luzon kasunod ng ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit Southern Police District sa Jollibee Blue Bay Walk, sa bahagi ng Roxas Boulevard, Brgy. 76, Pasay City.
Nangyari ang pag-aresto bandang alas-10:30 ng gabi nitong March 5, 2025, kung saan nakumpiska rito ang humigit-kumulang 35 gramo ng shabu na may tinatayang halagang P238K.
Kinilala ang suspek na si PCpl. Michael Mones y Buyan, 37 taong gulang, tubong Pangasinan, may asawa, at kasalukuyang naka-assign sa PRO3 (Angeles City Police Station).
Ayon sa pulisya, itinuturing na isa sa mga High-Value Individual si Buyan na nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 5 at Sec. 11 sa ilalim ng Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Kakasuhan din si Buyan dahil sa paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Omnibus Election Code sa gitna ng umiiral na nationwide gun ban.
Bukod sa mga drug items, nakumpiska rin sa suspek ang iba pang non-drug items tulad ng buy-bust money, isang black sling bag na may lamang isang android phone, isang Oppo cellular phone, isang holster, isang Glock 17 na may serial number PNP 04358, isang magasin na may 14 na live ammunition, isang weighing scale, posas, PNP ID, at iba pang gamit.
Agad na isasailalim sa inquest proceedings ang pulis-suspek para sa dagdag na impormasyon sa kinasasangkutan nitong kaso.