HINDI napigilan ng netizen na si Victoria Banal na punahin ang kaniyang kapitbahay na si Aling Shiela matapos makita ang larawan nito sa isang event na may kaugnayan sa umano’y extra judicial killings (EJK).
Sa naturang pagtitipon, bitbit ni Aling Shiela ang litrato ng kaniyang anak na iniuugnay ang pagkamatay sa war on drugs, bagay na pinalagan ni Banal.
Sa panayam ng SMNI News, iginiit ni Banal na taong 2024 nasawi ang anak ng kaniyang kapitbahay.
“Hala, kilala ko ‘to ah! Anong EJK ang pinagsasabi nito? Eh last year lang ito pinatay. Alam na alam ko kasi nandito kami noon.”
“Sinasama niyo ‘yung isyu na ito for what? Unang-una, si Aling Shiela, alam ko namang hindi iyan part ng EJK dahil last year—again, last year June—iyan pinatay,” ayon kay Victoria Banal, Kapitbahay ni Aling Shiela.
Kinumpirma rin ng Jara Funeral Services sa isang Facebook post na pumanaw ang indibidwal na nasa litrato noong June 2024 sa isang ospital at naiulat ito sa Caloocan City Police.
Binigyang-diin ni Banal na wala siyang masamang intensiyon sa kaniyang pagsasalita laban kay Aling Sheila ngunit aniya, hindi rin tama na magpakalat ng fake news.
“Gusto ko lang ipaalam sa tao na we know the truth. Hindi totoo na biktima siya ng EJK because I know personally the guy eh. It’s unfair naman sa Filipino people na ipagkalat nila ng ganoon,” ayon pa kay Banal.
“I have to let everyone know na kung ano ‘yung alam ko—which is true naman talaga. Bakit naman ako magsisinungaling? Hindi naman ako magkakapera diyan,” aniya pa.
Pamilya Tangonan, nasaktan sa panggagamit ng BAYAN Europe sa larawan ng yumaong kaanak
Hindi naman napigilan ni Kristine Tangonan ang kaniyang pagkadismaya at matinding hinanakit.
Iyan ay matapos gamitin ng BAYAN Europe ang larawan ng kaniyang yumaong kapatid na si Aldrin Tangonan sa isang rally sa The Hague, Netherlands—at ilarawan itong biktima ng war on drugs.
Sa isang Facebook post, binigyang-diin ni Kristine ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ng kaniyang kapatid—isang krimeng bunsod ng selos at hindi ng anumang operasyong may kinalaman sa ilegal na droga.
“Gusto ko lang pong linawin na ang aking kapatid na si Aldrin M. Tangonan ay hindi biktima ng war on drugs. Siya ay pinatay ng isang kriminal dahil sa selos—hindi siya biktima ng anumang operasyong may kinalaman sa droga,” saad ni Kristine Tangonan, kapatid ni Aldrin.
Dagdag pa niya, sa halip na mabawasan ang sakit na kanilang dinadala, lalo lamang nagpapabigat sa kanilang pagdadalamhati ang pagbaluktot sa katotohanan.
“Sobrang bigat na ng pinagdadaanan ng aming pamilya, at mas lalong nakakadagdag sa sakit ang maling impormasyon na kumakalat tungkol sa kanyang pagkamatay,” ani Kristine.
Nanawagan din siya sa publiko at sa mga organisasyong nagpapakalat ng maling impormasyon na magpakita ng respeto sa kanilang pamilya—lalo’t higit sa lahat, sa kaniyang kapatid.
“Hinihiling namin ang respeto—hindi lang para sa amin, kundi lalo na para sa aking kapatid, na dapat alalahanin nang tama at may dignidad,” aniya.
Hiling din ni Tangonan na maging responsable sa paglalabas ng impormasyon at iwasan ang pagpapakalat ng fake news na, aniya’y, lalo lang nagpapahirap sa mga naiwang kaanak.
Maliban pa rito, ginamit din ng mga makakaliwang grupo sa kanilang mapanlinlang na propaganda ang litrato ng isang yumaong doktor, pati na rin ang litrato ng isang law student mula sa University of Santo Tomas (UST) na namatay noong 2017 dahil sa hazing at hindi sa war on drugs.
Follow SMNI News on Rumble