Alintuntunin ukol sa paghahanda sa new normal, posibleng ilabas sa Marso –NEDA

Alintuntunin ukol sa paghahanda sa new normal, posibleng ilabas sa Marso –NEDA

BINABALANGKAS na ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang fifth phase ng National Action Plan bilang paghahanda  sa unti-unting pag-shift o pagharap ng Pilipinas sa new normal.

Nitong nakaraang linggo, sunud-sunod na araw na nagkaroon ng pagpupulong ang mga ahensiya ng gobyerno para sa fifth phase ng National Action Plan.

Sinabi ni NEDA Undersecretary Rosemarie G. Edillon na kasama ng ahensya sa naturang pulong ang Department of Health (DOH), Office of Civil Defense (OCD), Department of Science and Technology (DOST) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ibinahagi ng NEDA ang mga bagong istratehiya ng pamahalaan para sa tuluyang pag-recover ng ekonomiya.

“So as you know, we are trying to—parang play out the scenario na paano kung endemic na nga itong ating COVID-19 na first of all we defined ‘no, ang DOH nag-define sila, ano kaya ibig nating sabihin kapag endemic?” ayon kay Edillon.

“So, isang nakikita namin doon is kapag nakikita namin na halimbawa iyong kanyang case fatality rate, iyong mga namamatay ng dahil sa COVID kung halimbawa na mababa na talaga ito na kasing baba na lang ng parang flu ganyan then probably endemic na siya,” dagdag nito.

Pero ani Edillon, hindi ibig sabihin nito na wala na ang panganib ng COVID-19, ipinunto ng opisyal na kailangan pa rin talaga ang pag-iingat laban sa naturang virus.

Kaugnay nito, may tatlong areas na kailangan pagtuunan ang NAPP5 o National Action Plan Phase 5:

Unang-una sabi ni Edillon, kailangang tiyakin na maproteksiyunan ang mamamayan laban sa patuloy na nararanasang pandemya.

Kaya mahalaga aniya na mabigyan ng sapat at tamang impormasyon ang mga tao hinggil dito.

Pangalawa naman, tututukan pa rin ang COVID-19 vaccination kung saan dapat madagdagan pa ang puwedeng mabakunahan.

At pangatlo, kailangang siguraduhin ang  health system capacity ng bansa.

“Tapos iyong susunod na focus area namin is to ensure iyong mga safe and healthy settings na were talking about schools, were talking about transport, iyong mga work places, iyong mga malls natin, domestic travel and then international travel,” ani Edillon.

Kasama rin sa naturang plano ang aspeto patungkol sa building resilience, digital transformation at medium term pandemic resiliency plan.

Makikipag-ugnayan naman ang NEDA sa Kongreso para magkaroon ang bansa ng pandemic flexibility bill upang agarang makapagresponde ang gobyerno.

Samantala, inaasahang mailalabas sa publiko ang alituntunin patungkol sa NAPP5 sa Marso.

Magtutuloy-tuloy ngayong linggo ang meetings ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno.

Pagkatapos ng series of meetings, unang-una, kailangan muna nila itong mai-report sa Inter Agency Task Force (IATF) at siyempre kay Pangulong Rodrigo Duterte.

At kapag naaprubahan na ng IATF at ng Pangulo ang alituntunin sa NAPP5, ay pupuwede na itong i-disseminate ng pamahalaan sa publiko, marahil sa kalagitnaan ng Marso.

Una na ring inihayag ng Malakanyang na nakatuon ang NAPP 5 ng gobyerno sa mga istratehiya na magpapasigla muli sa ekonomiya.

Nilahad ni Acting Presidential Spokesperson and Cabinet Secretary Karlo Nograles, ito ay kumbaga pagbalik ng kabuhayan ng ating mga kababayan mula sa matinding epektong dulot ng Omicron variant.

Sabi ng Palasyo, dapat mas marami  ang makakapaghanapbuhay na, mas marami ang employment, ma-promote natin ang job promotion, investment, catch-up plan  para sa ekonomiya ng bansa.

Follow SMNI News on Twitter