SA panayam kay geopolitical analyst Herman Tiu-Laurel, ibinunyag niya ang umano’y malalim na impluwensiya ng Estados Unidos sa patakaran ng gobyerno ng Pilipinas, partikular sa usapin ng foreign policy at militar.
Ayon sa kaniya, hindi na tunay na gumaganap sa kaniyang tungkulin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil wala na umano itong kapangyarihan sa mga mahahalagang desisyon ng bansa.
Sabi pa ni Tiu-Laurel, ang kapangyarihan sa foreign policy at military engagements ng Pilipinas ay hawak na umano ng Estados Unidos.
Binanggit din ni Laurel ang papel ni Raymond Powell, isang opisyal ng U.S. Air Force, na umano’y may direktang impluwensiya sa mga kilos ng militar—na ayon sa kaniya ay sumusuporta sa estratehiyang naglalayong sirain ang ugnayan ng Pilipinas at Tsina.
Sa usapin naman ng politika sa loob ng bansa, inilahad din ni Laurel ang posibleng ugnayan ng mga isyu laban kina dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Vice President Sara Duterte sa International Criminal Court (ICC) bilang estratehiya ng Estados Unidos upang pigilan ang pagbabalik ng isang independent foreign policy ng bansa.
Sa kabuuan, iginiit ni Tiu-Laurel na tila nawawala na ang tunay na soberanya ng Pilipinas pagdating sa mga desisyong may kinalaman sa ugnayang panlabas at seguridad.
Kung magpapatuloy nga aniya ang ganitong kalakaran, maaaring mahirapan ang Pilipinas na makabuo ng mga desisyong para talaga sa kapakanan ng sambayanang Pilipino—at hindi yaong naaayon sa interes ng dayuhan.