BOAC, Marinduque – Nauwi sa isang malagim na trahedya ang isang masaya sanang outing ng magkakamag-anak matapos mawalan ng preno ang jeep na kanilang sinasakyan at bumangga sa isang puno ng mangga sa bahagi ng Sitio Badbad, Barangay Bantay, bandang umaga ng Abril 19.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, habang bumababa ang jeep sa national road ng lugar, bigla umanong nawalan ito ng preno na naging dahilan ng matinding banggaan. Sa lakas ng impact, nayupi ang katawan ng jeep at tuluyang natanggal ang bubong nito.
Sakay ng jeep ang 26 katao, kung saan anim ang nasawi, habang dalawampu (20) ang nagtamo ng sugat. Agad na isinugod ang mga sugatan sa Marinduque Provincial Hospital upang mabigyan ng kaukulang lunas.
Hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng mga nasawi habang patuloy ang isinasagawang beripikasyon at imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente.
Ayon sa pulisya, kabilang sa mga tinitingnang anggulo ay ang kondisyon ng sasakyan, posibleng overloading, at ang estado ng kalsada. Inaalam na rin ang pananagutan ng driver na siya ring nasugatan sa insidente.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan at tiniyak ang pagbibigay ng tulong sa mga naiwang pamilya ng mga nasawi.