NANANAWAGAN ang Department of Agriculture (DA) sa mga poultry owner na maghigpit ng mga hakbang upang makontrol ang bird flu sa kanilang mga sakahan.
Ito ay matapos makumpirma ang paglaganap ng Avian Influenza H5N1 na nakakaapekto sa mga sakahan ng itik at pugo sa Bulacan, Pampanga, Laguna at Camarines Sur.
“We need to act immediately to control avian influenza — which was initially detected in a duck farm in Bulacan and quail farms in Pampanga — so that we can prevent further spread and damage to our poultry industry,” pahayag ni Agriculture Secretary William Dar.
Sa guidelines ng DA, dapat sumunod ang mga poultry owner sa transport requirements na itinakda ng ahensiya.
Kabilang ang diagnostic tests, at biosecurity protocol ng World Organisation for Animal Health (OIE), ito ay para mabawasan ang mga panganib sa kalusugan ng hayop at publiko na dulot ng virus.
Kasabay nito, nakikipagtulungan na ang Bureau of Animal Industry (BAI) sa mga local government units, DA-Regional Field Offices at iba pang poultry industry stakeholders upang matiyak na ang biosecurity at mga hakbang sa pagkontrol sa sakit ay naipatutupad nang tama.
Sinabi pa ng kalihim, ang mga natukoy na avian influenza virus ay subtype na H5N1 na isa ring banta sa kalusugan ng tao kaya’t kinakailangan ang dobleng ingat at pagsisikap sa pagkontrol at pagpigil sa bird flu.
Ang mga patakaran na ibinibigay ng ahensiya ay magiging gabay ng mga LGU at poultry industry stakeholders lalo na sa mga by-products mula Luzon patungong Region 4-B, Visayas at Mindanao.
Samantala, naiulat na rin ang mga kumpirmadong kaso ng H5N1 sa mga lalawigan ng Nueva Ecija, Bataan, Tarlac, Sultan Kudarat at Benguet.
Ang mga posibleng pinagmulan ng impeksyon at pagkalat ng virus sa mga lugar na iyon ay ang pagkakaroon ng mga migratory o mga tirahan ng nga wild bird.
Pagbibigay diin ng DA lalo na sa mga poultry stakeholders at mga lokal na pamahalaan na ipagbigay alam agad sa ahensya ang mga hinihinalaang kaso ng bird flu upang ito ay hindi na lumaganap pa.
BASAHIN: Pilipinas, hindi apektado sa bird flu outbreak sa South Korea