Apektadong indibidwal dahil sa Bagyong Marce, pumalo na sa higit 20K─NDRRMC

Apektadong indibidwal dahil sa Bagyong Marce, pumalo na sa higit 20K─NDRRMC

NASIRA ang ilang kabahayan at establisyimento sa Brgy. Centro Uno, Claveria, Cagayan dahil sa lakas ng hangin na dala ng Bagyong Marce.

Sa Facebook post na ibinahagi ni Janine Pearl Villaflor, halos hindi na mapakinabangan ang ilang kabahayan sa kanilang barangay matapos masira ng hangin ang mga dingding nito.

Hindi rin nakaligtas ang mga paaralan sa Cagayan sa hagupit ng Bagyong Marce.

Karamihan sa mga eskwelahan sa mga bayang nakaranas ng matinding hagupit ng bagyo ay lubog sa baha at natuklap ang mga bubong ng mga classroom at gym.

Humihingi naman ng tulong ang pamilya ng isang residente sa bayan ng Abulug matapos ang kalunus-lunos na trahedyang iniwan ng Bagyong Marce.

Matinding pinsala rin ang iniwan ng bagyo sa bayan ng Ballesteros, kung saan nasira ang mga kabahayan at ilang mga pamilihan.

Kabilang ang Ballesteros sa mga bayan sa Cagayan na lubos na nakaranas ng hagupit ng bagyo.

Kaugnay rito, personal na ipinamahagi ni Cagayan Gov. Manuel Mamba at Ret. Gen. Edgar Aglipay ang iba’t ibang tulong sa mga evacuees sa Santa Teresita, Cagayan.

Aabot sa 58 na pamilya ang nabigyan ng relief goods mula sa Provincial Social Welfare Development Office (PSWDO) at mga hygiene at medical kit mula naman sa Provincial Health Office (PHO).

Base sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) as of 8:00 AM, araw ng Biyernes, umabot na sa mahigit 7K pamilya o katumbas ng nasa mahigit 20 libong indibidwal ang apektado ng Bagyong Marce.

Aabot naman sa mahigit 200 barangay ang apektado dahil sa sama ng panahon.

Pinakamarami sa Region 2, na aabot sa 189, sumunod ang Cordillera Administrative Region (CAR) na may 37, at 13 barangay naman sa Region 1.

Sa ngayon, umabot na sa mahigit 3K pamilya o katumbas ng mahigit 11K indibidwal ang pansamantalang sumisilong sa mahigit 100 evacuation centers.

Inabisuhan naman ng Office of Civil Defense (OCD) ang publiko na ipagpaliban muna ang pagbiyahe patungo sa Northern Luzon dahil patuloy pa ang ginagawang operasyon ng mga lokal na pamahalaan sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng naturang bagyo.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble