BUMABA sa 49% ang approval rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa North Central Luzon na kilalang balwarte nito.
Samantala, nakikita naman ng mga sambahayang Pilipino na ang pagtaas ng mga presyo o inflation kasama pa rito ang problema sa ekonomiya at talamak na korapsyon.
Ang pinakamahalagang isyu na dapat tugunan ng administrasyong Marcos, batay sa bagong survey.
“Kung titingnan mo, Admar, ‘yung nandoon pa rin ‘yung pessimism kung titingnan mo doon sa overall, lumalabas na low ratings pa rin sa gov’t officials and institutions, makikita mo ‘yung slide ng mga officials, when I say officials, from President, Vice President, Speaker, to the Senate President,” ayon kay Prof. Malou Tiquia, Founder/CEO, Publicus Asia Inc.
Nakapagtala ng mababang 51% overall performance rating ang Marcos administration.
Base ito sa Pahayag 2024 second quarter survey na isinagawa mula Hunyo 15-19, 2024 na may mahigit 1,500 respondents.
Nananatiling bagsak pa rin ang rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan nasa 44% ang approval rating at 33% naman ang trust rating nito.
Kapansin-pansin din na bumulusok ang approval ratings ni Marcos Jr. sa North Central Luzon (NCL) na itinuturing nitong balwarte, na mula sa 52% noong first quarter ay bumaba ito sa 49%.
Inflation, ekonomiya at korapsyon, mga problemang nais ng mga Pilipino na tugunan ng Marcos admin—survey
Sa ekslusibong panayam ng SMNI news kay Prof. Malou Tiquia at Founder/CEO ng Publicus Asia Inc. inflation at usapin sa ekonomiya ang nakikitang dahilan kung bakit tuluy-tuloy ang mababang rating ni PBBM.
Ito rin ang mga pinakamahalagang isyu na gusto ng mga mamamayang Pilipino na tugunan ng administrasyong Marcos base pa rin sa Pahayag survey.
Nabanggit pa ni Tiquia na tao na mismo ang gumagalaw para resolbahin ang problema nila, hindi na ang gobyerno, dahil dalawang taon nang problema ng Marcos Admin ang ekonomiya.
“Ang lumalabas kasi ‘yung performance doon sa issue ng inflation eh. Economics. So, ‘pag sinabi mong ano ‘yung mga rason, ire-relate mo ‘yan doon sa mga issues na mahalaga sa tao, mahalaga sa kanila na sila ay may trabaho, mahalaga sa kanilang nami-meet nila ang needs nila araw-araw,” ani Tiquia.
Top 3 naman ang korapsyon na gustong bigyang pansin ng taumbayan na dapat lutasin ng administrasyon ni PBBM ayon sa survey.
Kaugnay dito, sinabi ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na tumitindi na nga ang problema ng korapsyon ngayon at talaga aniyang nakababahala ito.
“Iyan ay bagong finding na isa sa pangunahing problema ang korapsyon at ito’y nakakabahala din. Dahil ang gobyerno ng kaniyang ama si Marcos Sr isa sa kadahilanan na ‘yan ay pinalayas ng taumbayan ay dahil din sa korapsyon. Sa ngayon nakikita natin na umuulit ang kasaysayan,” ayon kay Atty. Harry Roque, Former Presidential Spokesperson.
Dagdag ni Roque, lumalabas sa latest survey ng Publicus ang sentimyento ng taumbayan na parang hindi ginagawa ni Marcos Jr. ang kaniyang trabaho.
Sa halip ay nadadalas pa ang biyahe, party at pa-concert ng Pangulo sa gitna ng nararanasang kahirapan at kagutuman ng mga Pilipino.
Nagpapakita rin ito na hindi masaya ang mga tao sa trabaho ni Marcos Jr.
“Ang trabaho niya ay bigyan ng mas mabuting antas ng kabuhayan ang ating mga kababayan na hindi nararamdaman dahil napakataas nga ng presyo ng mga bilihin, kulang mag trabaho, napakababa ng mga sahod. Sa ngayon walang ebidensya na siya ay nagtatrabaho dahil otherwise nagkaroon sana ng solusyon sa ilang pangunahing problema ng bayan,” dagdag pa ni Roque.
Samantala, ang isyu sa South China Sea, ay pang-apat lamang sa mga isyu na nais tugunan ng taumbayan kung saan 50+% ang nagsasabing dapat maging neutral tayo sa usaping ito.
VP Sara Duterte, nananatiling highest-rated official ayon sa isang survey
Sa kabilang dako, nananatiling highest-rated official sa Marcos administration si Vice President Sara Duterte batay pa rin sa Pahayag 2024 second quarter survey.
Kahit may bahagyang pagbaba ang rating ni VP Sara, ani Tiquia, ay nananatili pa rin siyang may pinakamataas na trust at approval rating.
Sa latest survey, nakakuha si VP Sara ng approval na 46% at 41% na trust rating.
“Makikita mo na kahit na may drop ‘pag kinompare mo lahat sila, si bise presidente pa rin ang mas mataas sa lahat in terms of approval and trust,” ayon kay Tiquia.
Inilahad ni Tiquia na hindi naman nasama sa ginawang survey ang pagbitiw ni VP Sara sa pagiging DepEd Secretary.
“Hindi na capture diyan ‘yung resignation niya kasi natapos ‘yung field work namin noong June 19. Nag-resign siya nung hapon so hindi halos naapektuhan ‘yun. Makikita mo, kaya hindi natin masasagot whether ‘yun bang pag-resign niya bigla siyang aangat pero ang makikita mo dito, she is being pulled down also by the performance of the whole of government,” saad pa nito.