NAKATAKDANG isailalim sa inquest proceeding ngayon sa Manila Prosecutors Office ang isang miyembro ng militanteng grupong Bayan-Southern Tagalog, kaugnay sa nangyaring kaguluhan sa kilos-protesta kahapon sa harap ng Department of Justice (DOJ) sa Padre Faura sa Maynila.
Kaugnay niyan ay magdamag na nadetine sa Manila Police District Station 5 ang 53-anyos na suspek na si alyas JoJo, matapos siyang positibong itinuro at kinilala ng security guard ng DOJ na iyon umano ang nanakit sa kaniya kaya pumutok at dumugo ang kaniyang batok.
Reklamong physical injury ang isasampa laban sa naturang raliyista na pamukpok ng lata ng spray paint sa ulo ng gwardya ng DOJ.
Iginiit naman ng grupo ng mga militante na ang kanilang kilos-protesta kahapon ay bahagi o panimula pa lang para sa idaraos na mas malaking rally kasabay ng State of the Nation Address (SONA) ni Marcos Jr. sa Lunes.