Armored vehicle, sorpresang naging bridal car ng isang bride sa Gamu, Isabela

Armored vehicle, sorpresang naging bridal car ng isang bride sa Gamu, Isabela

HINDI lang pala ginagamit bilang isang pribadong sasakyang pang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas ang armored vehicle kundi pwede rin itong gamitin bilang isang bridal car.

Ito ang naging senaryo nang sorpresahin ni Chief Armando Alaska, National Chairman and National Chief of Staff ng Philippine National Anti-Crime Group (PNACG) ang kaniyang kapatid na ikinasal noong Mayo 17, 2024 sa Gamu, Isabela.

Bagamat parehong sundalo ang ikinasal, hindi inaasahan ng bride na si PFC Marycris Alaska ng 502nd Brigade Infantry Division Soyung, Echague, Isabela at ng kaniyang groom na si PFC Albert B. Bawenta ng Headquarter Support Group Camp Andres Bonifacio sa Taguig City ang nasabing sorpresa na inihanda para sa kanila.

Hindi madali ang buhay ng mga sundalo. Araw-araw may banta ng panganib ang kanilang buhay, habang malayo sa kanilang pamilya. Sila ang mga taong inuuna ang paglilingkod sa bayan kaysa kanilang mga sarili at mahal sa buhay, gayunpaman patuloy ang kanilang karera sa buhay sa digmaan man o sa larangan ng pag-ibig.

Ito rin ang isa sa dahilan kung bakit pinili ni Chief Alaska na gawing ‘extra special at memorable’ ang isa sa pinakamahalagang araw sa buhay ng kaniyang bunsong kapatid.

Ayon kay Chief Alaska, hindi madaling i-request ang paggamit ng armored vehicle bilang bridal car pero napagbigyan siya dahil siya ay kabahagi rin ng 1CAV o 1ST Cavalry Company Separate (Armor Rapido) Division Philippine Army.

Sa panayam na isinagawa ng media, habang nakasakay sa armored vehicle kasama ang bride at groom papuntang reception, ikinuwento ng bride na 10 taon na ang kanilang relasyon bago nila napagdesisyunang magpakasal.

Pinili man nilang bumuo ng pamilya pero sa panahon ng tawag ng kanilang trabaho mas pipiliin pa rin nilang bitawan ang isa’t isa upang sundin ang sinumpaang tungkulin dahil ang kanilang bokasyon ay nakahandang pumatay at magpakamatay para sa bayan.

Bilang mga sundalo, alam nila parehas na ang kanilang dedikasyon at mga sakripisyo ay mahalaga sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad ng isang bansa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter