ASF vaccine minamadali sa banta ng outbreak ngayong tag-ulan

ASF vaccine minamadali sa banta ng outbreak ngayong tag-ulan

AMINADO ang mga grupo ng magbababoy na halos kalahati ng suplay ng karneng baboy sa merkado ay galing sa ibang bansa.

Ito ay dahil kapos pa rin ang lokal na suplay bunsod ng patuloy na epekto ng African Swine Fever (ASF).

Apektado kasi ng nasabing sakit ang presyuhan ng lokal na karne sa mga pamilihan na naglalaro ngayon sa P300/kg hanggang halos P500/kg.

Batay sa datos ng Bureau of Animal Industry (BAI), higit 400 lungsod at munisipyo sa bansa ang nananatili sa red zone o mga lugar na apektado pa rin ng ASF.

Grupo ng magbababoy, nananawagan ng agarang aksiyon sa ASF vaccine rollout

Kaya naman muling nanawagan ang Pork Producers of the Philippines o Pro-Pork sa Department of Agriculture (DA) na bilisan ang paglalabas ng bakuna para sa mga commercial farm laban sa ASF.

Ito’y lalo pa’t may pangamba sa muling pagkalat ng sakit dahil sa walang tigil na pag-ulan.

“Ang nababakunahan palang ay nasa 40,000 to 50,000 heads na baboy kailangan bakunahan ay 6.3 milyon. So, ‘yan ay kinatatakot natin na itong dating ng ulanan na ito ay magkakaroon ng mga pagbaha ay mabilis kakalat ‘yung virus na sakit na ASF.”

“So, hindi malayo na magkaroon na naman ng matinding outbreak katulad nung nangyari noong rainy season last year. August, September, October ay napakaraming tinamaang baboy lalo na ngayong tag-ulan. So, kailangan talaga na mai-roll out kaagad,” saad ni Rep. Nicanor Briones, Chairperson & AGAP Party-list.

Kaugnay niyan, hinihintay na lamang ng grupo na tuluyang mailipat sa BAI ang regulasyon sa bakuna na gagamitin kontra ASF.

Ibig sabihin, hindi na ito dadaan pa sa mahabang proseso ng Food and Drug Administration (FDA) na umano’y nagiging dahilan kung bakit naantala ang paglalabas ng bakuna.

Sa ngayon, tiniyak na rin ng DA na maaaring simulan ang paggamit ng ASF vaccine sa mga commercial farm bago matapos ang taon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble