PINAG-iingat ni dating Presidential Spokesman Harry Roque ang mga nagbibitaw ng masasama at maaanghang na salita laban kay Justice Secretary Boying Remulla.
Ayon kay Roque, batid niyang napakasakit ng pinagdaraanan ng pamilyang Remulla at hindi rin maiaalis na nagkamali talaga ang anak nito.
Gayunpaman, ibinahagi ni Roque na kilalang kilala nito ang pagkatao ni Secretary Remulla at malinaw na hindi kunsintidor ng anak ang kalihim.
Giit ng dating Palace spokesman, wala naman aniyang perpektong pamilya at puwede ring mangyari ito sa ibang tao.
Kaya naman, apela ni Atty. Roque sa mga kritiko, tigilan na ang pamumuna dahil naniniwala ito sa karma.
“Ang pakiusap ko lang po sa mga kalaban ng administrasyon, ibuhos nyo na po sa iba ang inyong pula kasi wala naman pong perpektong pamilya. It could happen to you. So, kung ayaw nyong makarma, sana po huwag nyong pagdaanan ang pinagdadaanan ng mga Remullas dahil alam ko napakasakit po nun,” pahayag ni Roque.
Kinuwestyon din ni Roque ang mga panawagan ng ilang personalidad at mambabatas na magbitiw na sa pwesto si Remulla.
“Kung anu ano ang mga binabato nyo kay Boying Remulla….kinakailangan mag-resign. Bakit sya magre-resign? Sya ba ‘yung nag-import ng drugs? Eh ang anak naman nya is 30 plus yrs old na,” ayon pa ni Roque.
Samantala, iginiit naman ni Roque na dapat magsilbing ehemplo si Secretary Remulla ng mga naninilbihan sa pamahalaan.
Kasunod ito na naging katayuan ng Justice Secretary sa kabila ng pagkasangkot ng anak nito sa iligal na droga.
Matatandaang sa eksklusibong panayam kay Remulla sa programang Laban Kasama ang Bayan ng SMNI, muli itong nanindigan na hindi siya makikialam sa kaso ng kanyang anak.
“Hindi ako nakikialam. Ang mali, mali talaga,” aniya.
Naniniwala naman si Atty. Roque na tutuparin ng kalihim ang mga binitawang salita nito.
“Dapat lahat po ng naninilbihan sa gobyerno ay gayahin si Boying Remulla. Ulitin ko po bilang isang magulang, napakahirap po na sabihin na hindi na natin pakikialaman ang matatanda na nating anak. Pero tingin ko po mangyayari po yan dahil may isang salita rin ang mga Remullas, ‘yan po talaga ang isang katangian din ng mga Caviteño. At alam nya na yung leaving his son alone is also the best recourse para sa kanyang anak,” dagdag ni Roque.