Atty. Panelo hinamon si Sen. Imee na ipa-impeach si BBM

Atty. Panelo hinamon si Sen. Imee na ipa-impeach si BBM

SA preliminary findings ni Sen. Imee Marcos sa isinagawa niyang pagdinig kaugnay sa nangyaring pag-aresto at pagpapadala kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa The Hague, Netherlands, lumalabas na nalabag ang karapatan ng dating Pangulo.

Lumilitaw rin na hindi obligadong arestuhin ng Pilipinas si Duterte, ngunit ang gobyerno mismo ang nagpilit na maipadala ang dating Pangulo sa International Criminal Court (ICC).

Sinabi ni Sen. Imee na may mga nagalit sa mga nabunyag sa pagdinig.

“Hindi ko naman intensyon na anti-administration ang hearing. Nagalit ata sa ’kin na nabunyag ‘yon sa aking hearing,” pahayag ni Sen. Imee.

Matapang naman na hinamon ni dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo si Sen. Imee na ipa-impeach si BBM.

Kung naniniwala aniya ito na may pagkakamali ang gobyerno laban kay dating Pangulong Duterte, dapat ay maghain siya ng impeachment case laban sa sarili niyang kapatid.

“Kung talagang mali ang ginawa ng gobyernong ito… at ang puno ng gobyerno ay iyong kapatid… maghain ka ng impeachment complaint laban sa kapatid mo,” pahayag ni Atty. Salvador Panelo, Former Presidential Legal Counsel.

Hindi bilib si Panelo sa isinagawang pagdinig ni Sen. Imee, maging sa inanunsiyo niyang pagtalikod sa Alyansa na binuo ni BBM.

Giit ni Panelo, ginawa lang ito ng senadora upang makakuha ng suporta para sa kaniyang kandidatura.

Ngunit nanindigan ang senadora at sinabing hindi politika ang dahilan ng kaniyang mga aksiyon. Para sa kaniya, mas mahalaga ang soberanya ng bansa kaysa kampanya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble