Atty. Panelo: Magkakaroon ng matinding kaguluhan kapag inaresto ng ICC si VP Sara Duterte

Atty. Panelo: Magkakaroon ng matinding kaguluhan kapag inaresto ng ICC si VP Sara Duterte

SA gitna ng umiinit na usapin kaugnay sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban sa kampanya kontra ilegal na droga ng nakaraang administrasyon, kinumpirma nga mismo ni Vice President Sara Duterte na kabilang siya sa mga personalidad na nais ipaaresto ng ICC.

Ayon sa Bise Presidente, nabatid niyang siya ay target na rin ng ICC matapos mapansin ang paghihigpit sa kaniya upang dalawin si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Sa panig naman ni dating Presidential Spokesperson at Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, hindi na aniya nakakagulat ang pagkakabilang ni VP Sara sa listahan.

Giit ni Panelo, malinaw na ang lahat ng ito ay bahagi ng mas malawak na estratehiya ng mga makakaliwang grupo at ng ilang dayuhang interes na matagal nang nagbabalak pabagsakin ang pamilya Duterte at ang kanilang mga malalapit na kaalyado sa pamahalaan.

“Matagal naman nating alam ‘yan na ‘yung mga dahil sa gustong arestuhin si Inday. ‘Yan ang katotohanan dyan, wala ng bago dun,” ayon kay Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.

Ang malaking tanong ngayon ayon kay Panelo, ay kung makikipagtulungan ba ang gobyerno ng Pilipinas sa ICC sa pagpapatupad ng mga warrant of arrest laban sa Pangalawang Pangulo.

Aniya, hindi ito basta-basta tatanggapin ng sambayanang Pilipino—lalo na’t batay sa mga survey at damdamin ng masa, nananatiling mataas ang tiwala at suporta ng publiko kay VP Sara—isang indikasyon na maaaring magkaroon ng malawakang pagtutol sakaling ituloy ang nasabing aksiyon.

“Sa harap ng mga pagtutol ng mayorya at karamihan sa ating mga kababayan, ‘yan ang tanong dyan. Maniwala kayo maghahalo ang balat sa tinalupan dyan,” giit ni Panelo.

Sabi ni Panelo, nakasalalay sa kasalukuyang administrasyon ang magiging tugon ng Pilipinas sa ICC—kung ito ba ay makikipagtulungan sa ICC gaya ng mga naging hakbang ng administrasyon sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang Palasyo kaugnay sa magiging hakbang ng gobyerno sa harap ng mga lumalabas na ulat hinggil sa arrest orders ng ICC laban kay VP Sara.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble