SA pinakahuling survey na inilabas ng Publicus Asia, bumagsak ang trust rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa labing-apat na porsyento (14%) habang umakyat naman sa talumpu’t siyam na porsyento (39%) ang kay Vice President Sara Duterte.
Para kay dating chief presidential legal counsel Atty. Salvador Panelo, hindi raw maipagkakaila na hindi maganda ang mensaheng hatid nito sa kasalukuyang administrasyong.
“Hindi na ho katakataka at, inaasahan. Sapagkat iyan po, mawalang galang na sa ating kaibigang presidente, that is a handwriting on the wall,’’ ayon kay Atty. Salvador Panelo
Kaya naman nanawagan ang dating opisyal ng Palasyo kay Marcos Jr. na dapat gumawa na ng hakbang para magbago ang pananaw ng mayorya ng taumbayan sa kanyang panunungkulan sa bansa.
‘’Iyan po ay nagpapakita na kung hindi po talagang magbago ang inyong mga pamamaraan sa pamamalakad ng ating bansa, maniwala kayo, mauulit, mauulit ang nangyari sa ating kasaysayan na nakalulungkot na ayaw nating mangyari pero mukhang mangyayari ‘pag hindi kayo magbabago, ang pangatlong pag-aalsa ng taumbayan,’’ saad ni Atty. Panelo.
Sinabi rin ni Panelo na sa kabila ng mga posibleng mangyari ay hangad pa rin ng mga Pilipino na hindi na mauulit ang mga karahasang nangyari sa panahon ng administrasyong Marcos Sr.
‘’Ang gusto ng Pilipino magkaisa, maging mapayapa at maging maunlad tayo. Ang problema ‘yun pong mga niluluklok natin, ay masyadong matatakaw. Napaka, ang kakapal ng mga mukha ng mga ito hindi natin malaman kung papaano natin gagawing manipis ang mga mukha nito,’’ ani Panelo.
Samantala, kaugnay sa pagdiriwang ng kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay inilarawan ni Panelo na ito’y isang bukod tanging pagdiriwang para sa isang dating pangulo.
‘’Never in history of this country that a president has that kind of following and celebration his birthday. Wala ho,’’ wika nito.
‘’Sapagkat tumalab talaga sa isipan at sa puso ng mga Pilipino ang mga legasiyang mga itinayo niya. Ang lahat ng mga ginawa niya talagang napamahal siya. Kaya nung ikinulong siya, ayan, naglabasan lahat,’’ saad ni Panelo.