MULING iginiit ni dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas.
Ito ay kaugnay ng mga kasong isinampa laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte hinggil sa umano’y crimes against humanity noong panahon na kaniyang war on drugs campaign.
Binigyang-diin ni Panelo na kahit pa may naunang desisyon ang ICC na nagsasabing may hurisdiksiyon sila, maaari itong magbago base sa bagong pagsusuri ng mga isyu, partikular na sa aspeto ng hurisdiksiyon.
“Kahit na saan mo tingnan sa Rome Statute, kanilang batas, eh ‘yung ginawa nila na pagtanggap sa katawan ni Presidente Duterte, iyon ay iligal,”
ayon kay Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.
At kung hindi naman hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas ang pag-uusapan ay malusog naman ang sistemang legal ng Pilipinas para litisin ang dating pangulo sa sarili niyang bansa ukol sa mga nasabing reklamo.
“Kaya ipagpalagay nating may jurisdiction, hindi kayo pwedeng pumasok. Bakit? Mayroon kaming capacity, malusog ang aming legal system. Umaandar ang lahat ng aming hukuman, katakot-takot ang nakabinbin na kaso, maraming conviction, may mga acquittal din. Libo-libo na nga nakakulong eh,” ani Panelo.
Tinutulan din ni Panelo ang argumento ng ICC na hindi umano nagpakita ng intensiyon ang gobyerno ng Pilipinas na usigin ang mga responsable sa umano’y crimes against humanity, at tinawag itong haka-haka.
Nanindigan si Panelo na ang mga hakbang ng ICC ay labag sa batas, at umaapela siya sa mga abogadong kumakatawan kay Duterte na ituon ang kanilang depensa sa isyu ng hurisdiksyon.
Matatandaang tinanggihan ng ICC ang kahilingan ng kampo ni dating Pangulong Duterte na palitan ang dalawang hukom na bahagi ng Pre-Trial Chamber 1 na humahawak sa mga usaping may kinalaman sa hurisdiksiyon ng kaso laban sa kaniya.