Atty. Roque: ICC dapat agad sumagot sa usapin ng hurisdiksiyon sa Pilipinas

Atty. Roque: ICC dapat agad sumagot sa usapin ng hurisdiksiyon sa Pilipinas

PORMAL nang naghain ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ICC ng motion to dismiss, o kahilingang ibasura ang kasong kinahaharap ng dating pangulo.

Ayon kay dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, isinampa ang nasabing mosyon makalipas ang 50 araw. Isa itong hakbang na, ayon sa kaniya, sana’y naihain agad upang mas mabilis ang pag-usad ng proseso.

Dagdag pa ni Roque, malinaw ang batayan ng mosyon ng kampo ni Duterte: wala nang hurisdiksiyon ang ICC mula nang opisyal na mag-withdraw ang Pilipinas noong 2019.

Isinusulong ng kampo ni Duterte na ang ginawang preliminary examination ng ICC bago pa man nagsimula ang preliminary investigation ay hindi dapat kilalanin bilang pormal na bahagi ng legal na proseso kaya hindi ito maaaring gamiting basehan sa pagpapatuloy ng kaso.

Para kay Roque, sapat na ang 10 araw na palugit upang makapaghain ng tugon ang prosekusyon, ngunit aniya, tila mabagal ang takbo ng proseso sa ICC. Umaasa si Roque na agad itong dedesisyunan ng hukuman bago sumapit ang Setyembre, ang inaasahang panahon ng confirmation of charges.

Atty. Roque sa mga kongresistang pumirma sa impeachment ni VP Sara: Lahat sila ay magnanakaw

Samantala, gumugulong din ang usapin online hinggil sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng ilang kongresista na pumirma sa impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte.

Binigyang-diin ni Roque na hindi makatarungan kung ang paglagda ng mga mambabatas ay dahil lamang sa takot na mawalan ng ayuda o pondong nakalaan sa kanilang mga distrito lalo na’t ang pondo ay galing sa mismong kaban ng bayan.

Ayon pa sa kaniya, hindi sapat na dahilan ang pangambang mawalan ng suporta sa nalalapit na halalan upang ipagpalit ang prinsipyo ng patas at makatarungang proseso. Giit ni Roque, kung may mga kongresistang tumanggap ng pondo o anumang pabor kapalit ng kanilang pirma, malinaw itong paglabag sa batas.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa mga mambabatas na isinasangkot sa isyu, ngunit nananatiling mainit ang isyu sa publiko lalo na sa social media, kung saan kabi-kabilang batikos ang natatanggap ng mga sangkot na kongresista.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble