WALANG ibang hangad ang Boracho Film Production General Manager at Mamasapano: Now It Can Be Told Producer Atty. Ferdinand Topacio sa kaniyang pagpasok sa film industry.
Aniya bilang isang film producer, nais niyang muling maiangat ang kalidad ng pelikulang Pilipino.
Paliwanag ni Topacio na kaya nangangamote ang industriya ng pelikula sa Pinas dahil sa mga producer na inuuna ang kita at hindi na iniisip ang magiging laman ng kanilang pelikula.
“Anong nangyari? Muli na po tayong nangamote kasi madami po sa ating producers, hindi ko naman nilalahat, ay ang inuuna po nila ay kita, yung tubo. Never mind kung basura yung pelikula. Nagbibigay ng maling moral values at more excessive na mga aktibidades na sexual,” Atty. Ferdinand Topacio, General Manager-Boracho Film Production.
Pagbibigay-diin ni Topacio na nais niyang sumabay ang Pilipinas sa mga bansang nangunguna sa paggawa ng pelikula tulad ng sa Estados Unidos, India at South Korea.
“Hindi po tayo papayag niyan. Ang hangad ko lamang bilang isang producer ay iangat po uli ang antas ng pelikulang Pilipino maging nasa level na po tayo ng tatlong centers of film production: Hollywood, Bollywood at Hallywood sa South Korea,” dagdag pa ni Atty. Ferdinand Topacio.
Mamasapano: Now it can be told, humakot ng parangal sa MMFF 2022
Samantala, humakot naman ng parangal ang Mamasapano: Now It Can Be Told sa Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival 2022.
Nasungkit ng nasabing pelikula ang Best Screenplay: Eric Ramos; FPJ Memorial Award for Excellence; Best Original Theme Song: Aking Mahal at 2nd Best Picture.
Malaki naman ang pasasalamat ni Topacio sa mga sumuporta ng kaniyang pelikula.