Atty. Vic Rodriguez: “Walang ginawa ang administrasyong Marcos kundi ipagpatuloy ang political persecution”

Atty. Vic Rodriguez: “Walang ginawa ang administrasyong Marcos kundi ipagpatuloy ang political persecution”

Manila, Philippines – Muling binatikos ni Atty. Vic Rodriguez ang kasalukuyang administrasyong Marcos, sa gitna ng pagkalat ng isang dokumentong naglalaman ng umano’y campaign strategy ng grupong Alyansa para sa Bagong Pilipinas para sa nalalapit na halalan sa Mayo 12.

Ayon kay Rodriguez, ang dokumento ay nagpapakita ng “walang humpay na political persecution” laban sa mga kritiko ng administrasyon. Tinukoy rin niya ang diumano’y “Oplan Horus,” isang estratehiyang layong gibain ang kampo ng dating Pangulong Rodrigo Duterte, kasama na si Vice President Sara Duterte at kilalang tagasuporta ng mga Duterte na si Pastor Apollo C. Quiboloy.

“Wala nang ibang ginagawa ang administrasyong ito kundi ang paratangan, tanggalin, at wasakin ang sinumang hindi nila kakampi. Isang malinaw na hakbang ng political persecution,” ani Rodriguez.

Ayon sa lumabas na dokumento, ang “Oplan Horus” ay umano’y bahagi ng huling tatlong linggong estratehiya ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas. Ilan sa mga kontrobersyal na bahagi ng plano ay:

Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte

Diskwalipikasyon ng mga kandidatong kaalyado ng Duterte

Pag-target kay Pastor Apollo C. Quiboloy

Hindi pa malinaw kung saan nagmula ang dokumento at kung ito ba ay lehitimo, ngunit mabilis itong kumalat online at umani ng sari-saring reaksyon mula sa publiko.

Hindi pa nagbibigay ng pormal na pahayag ang Malacañang ukol sa alegasyon, ngunit inaasahang haharapin ng administrasyon ang panibagong hamon na ito habang lalong umiinit ang halalan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter