IIMBESTIGAHAN ng Australia ang ulat na ang former pilots ay na-recruit para mag-training sa Chinese military.
Inihayag ni Australia Defense Minister Richard Marles na ipinag-utos nito sa Defense Department na imbestigahan ang ulat na ito ng recruitment ng isang South African Flight School para magtrabaho sa China.
Sa isang pahayag, sinabi ni Marles na nagulat ito sa ulat na mayroong mga personnel na naakit sa paycheck mula sa isang dayuhang bansa sa halip na magsilbi sa sarili nitong bansa.
Una nang inanunsyo ng gobyerno ng UK na maglulunsad ito ng mga hakbang upang pigilan ang dating British military pilots na mag-train ng Chinese Armed Forces.
Ito ay kasunod ng mga ulat na umabot na sa 30 pilots mula sa Britanya ang pumayag sa alok na aabot sa higit 270 libong dolyar para mag-train sa air force ng China.
Karamihan umano ng mga na-recruit na piloto ay nasa edad 50 na at nagretiro na sa British Air Force.
Samantala, tumanggi naman si Chinese Foreign Ministry Spokesman Wang Wenbin na tinatarget nito ang mga piloto ng Britanya.
Wala pa namang pahayag ang South African company na Test Flying Academy of South Africa ukol sa mga alegasyong nagrerecruit ito ng mga piloto mula UK, Australia at New Zealand para magtrabaho para sa China.
Ang nabanggit na flying academy ay nagpapatakbo ng flight school para sa Chinese arline pilots sa South Africa bilang kasosyo ng isa sa pinakamalaking state owned aeronautic companies ng China.