LUMUBO pa ang utang ng Pilipinas noong buwan ng Pebrero 2025. Ayon sa Bureau of Treasury, nasa P16.63T na ang utang ng bansa.
Pero sa kabila ng lumalaking utang ng bansa, marami ang nagtatanong: Paano nga ba ito nakakaapekto sa kabuuang kalagayan ng ating ekonomiya?
Ayon sa ekonomistang si Dr. Michael Batu, bagamat patuloy pa rin ang pangungutang ng pamahalaan, mahalagang magkaroon ng tamang estratehiya upang mapababa ito sa paglipas ng panahon.
Isa sa mga nakikita niyang solusyon ay ang pagpapalakas ng government revenue sa pamamagitan ng mas mahusay na pangongolekta ng buwis.
“Paano mo magagawa ‘yan, magagawa ‘yan sa pamamagitan ng pag-iincrease ng government revenue either thru pag-iimprove ng collection, o pag-iincrease ng taxes. So, normally pag-iincrease ng taxes hindi ‘yan pupwede sa tao kasi nga ayaw ng tao magbayad ng buwis, napupunta lang sa korapsyon,” ayon kay Dr. Michael Batu, Economist.
Dagdag pa ni Dr. Batu, hindi dapat ginagamit ang pangungutang para sa mga pansamantalang solusyon, gaya ng ayuda na madalas ay ginagamit pa sa pamumulitika—lalo na tuwing panahon ng halalan.
“Yang ayuda na ‘yan ang nangyayari is temporary solution siya, it’s never a permanent solution, and yet nagagamit din sa pamumulitika.”
“Meron din naman silang pinaggagastusan halimbawa ‘yung ayuda, kung makikita natin ‘yung rate at which increase nung ayuda is very high, kumbaga ‘yung inuutang natin it seems to me malaking porsyento dyan napupunta sa mga ganyang klaseng projects lalong-lalo na mage-eleksyon,” dagdag nito.
Giit pa niya, kung mangungutang man ang bansa, dapat itong ilaan sa mga konkretong proyekto gaya ng infrastructure development at social services na may pangmatagalang epekto sa kabuhayan ng mga mamamayan.
“Responsable dapat ‘yung paggamit ng pangungutang kasi ‘yung utang na ‘yan hindi ‘yan libre, ‘yan ay babayaran ‘yan ng interes, babayaran ‘yan ng mga Pilipino, babayaran ‘yan ng mga hinaharap ‘yung mga future generations na mga Pilipino.”
“Kaya ang dapat na ginagawa dyan, ang pangungutang ini-spend nila ‘yan sa mga proyekto na makakapagbigay ng pang mas matagalang paglago ng ating ekonomiya,” aniya pa.
Sa huli, dagdag ni Batu, mahalagang tiyakin ng gobyerno na hindi magiging pansamantalang solusyon ang pangungutang kundi hakbang na magpapalakas sa ekonomiya at magdudulot ng tunay na progreso para sa mga mamamayan at mga susunod na henerasyon.