NAG-aalab ang diwa ng pagkakaisa at paninindigan sa Camarin, Caloocan, kung saan hindi lamang basta campaign rally ang naganap, kundi isang malakas na pagpapahayag ng suporta at panawagan ng mga Pilipino para sa Duter-TEN, ang pambato ng PDP-Laban sa darating na halalan.
Para sa isang pastor ng simbahan, nananatili ang paghanga nila kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, isang lider na aniya’y hindi sila binigo sa kaniyang mga ipinangako—lalo na sa laban kontra ilegal na droga, kriminalidad, korapsyon, oligarkiya, at pang-aabuso sa kapangyarihan.
“Bakit ko sinusuportahan si PRRD, sinusuportahan ko siya dahil nagkaroon ng maayos na peace and order situation sa kabuuan ng ating bansa. Sa panahon ng kanyang panunungkulan ay wala kang makikita na gala-gala na mandurukot, mga gala-gala na tinatatawag na masasamang loob, at ‘yun ang dahilan kung bakit buo ko siyang sinusuportahan,” ayon kay Pastor Lito Tolentino, New Wines Kin Christian Fellowship, North Caloocan City.
Para naman sa tumatakbong konsehal ng unang distrito ng Caloocan na si Roman Domasig Jr., walang tatalo sa puso, tapang, at malasakit ni dating Pangulong Duterte para sa mga Pilipino—isang pangulo na anila ay mas iniisip pa ang kapakanan ng iba kaysa sa kanyang sarili.
“Sinusuportahan ko si FPRRD kasi una kami bilang mga workers, ‘yung aming mga lisensya tulad ng driver’s license namin ginawa niyang sampung taon. Malaking bagay para sa manggagawa ‘yun, ‘yung mga passport ng ating OFW ay ginawa rin niyang sampung taon. Marami siyang pinagawang proyekto ng ating bansa tulad ng mga tulay na ngayon ay ipinagpapatuloy na lang ng bagong administrasyon na ang gumawa niyan ay ang ating dating PRRD. Kaya dapat nating suportahan ang pinaka-the best nating pangulo,” wika ni Domasig Jr., Councilor, 1st District- Caloocan City.
Kaya naman sa darating na halalan sa Mayo 12, nararapat lang umanong iboto ang mga kandidato ng PDP-Laban—lalo na si senatorial candidate Pastor Apollo C. Quiboloy—upang maibalik ang tunay na reporma sa bansa.
“Sinusuportahan ko ‘yung PDP Laban hangga’t maaari, vote straight ang PDP sapagkat ito na lang ‘yung ating pag-asa na nakikita natin na talagang makakatulong sa ating bansa, especially Pastor Apollo C. Quiboloy. Ito po talaga makikita natin na kailangan ng bansa natin ay hindi talino ng sarili nating napag-aralan kundi ‘yung divine government sa pagsasaayos mula sa Diyos na nanggagaling para maayos at malinis natin ‘yung nangyaring pagnanakaw o sobrang korapsyon at kitang-kita naman talaga natin ‘yun, kaya vote straight PDP Laban,” saad naman ni Roman Domasig Jr., Councilor, 1st District, Caloocan City.
“Bakit ko sinusuportahan ang PDP? Karamihan sa kanila ay mga abogado. Totoong abogado ang kailangan ng ating bansa lalo sa pagsasagawa ng batas na makakatulong sa pamayanan sa ating bansa upang mapalawak ang pangangailangan ng sambayanang Pilipino,” ani Pastor Lito Tolentino, New Wines Kin Christian Fellowship, North Caloocan City.
“Bakit ko sinusuportahan si Quiboloy? Hindi usaping kung ano relihiyon, hindi rin usaping ang doktrina, ang pinag-uusapan ngayon ay ano ang magagawa sa ating bansa at higit na mas maganda ay iboto ‘yung totoong merong pananampalataya, makada-Diyos at tunay na makabayan,” dagdag nito.
Sa kabila ng mga hamon at pagsubok, nananatiling matatag at hindi magbabago ang kanilang paninindigan para kay Pastor Quiboloy, sa lahat ng mga kandidato ng PDP-Laban, at higit sa lahat, kay dating Pangulong Duterte at sa kaniyang legasiya—isang lider na nag-iwan ng makulay na bakas sa kasaysayan ng bansa at patuloy na tinatangkilik at minamahal ng mga Pilipino dahil sa kaniyang mga hakbang at prinsipyo sa pamumuno.
Follow SMNI News on Rumble