DAHIL sa inaasahang matinding init, nagpatupad ang lokal na pamahalaan ng San Juan City ng bagong class schedule sa mga pampublikong paaralan.
Sa pamamagitan ng isang executive order na inisyu ni Mayor Francis, magsisimula ang mga pang-umagang klase mula 6:00 AM hanggang 10:00 AM, habang ang pang-hapong klase naman ay mula 3:00 PM hanggang 7:00 PM.
Ayon sa San Juan LGU, layon nitong iwasan ang pinakamatinding init ng araw mula 10:00 AM hanggang 3:00 PM upang mabawasan ang panganib ng heat-related illnesses sa mga mag-aaral.
Bukod sa pagbabago ng oras ng klase, bibigyan ang mga estudyante ng supplemental academic activities na maaaring gawin sa bahay upang matiyak ang patuloy na pagkatuto.
Para naman sa mga pribadong paaralan, kolehiyo, at unibersidad sa San Juan, ipinauubaya ng lokal na pamahalaan ang desisyon sa kani-kanilang administrasyon.
Gayunman, hinihikayat ang mga ito na umiwas sa pagsasagawa ng face-to-face classes sa oras ng matinding init.
Nagpasabi na ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ang heat index ay aabot sa 46 degrees Celsius sa Metro Manila nitong Marso 3 at ngayong Marso 4.