Bagong Medical Technology Act, inihain sa Senado

Bagong Medical Technology Act, inihain sa Senado

MAHIGIT 50 taon na ang nakalipas mula nang maisabatas ang Republic Act No. 5527 o ang Philippine Medical Technology Act of 1969. Ngayon, isinusulong ni Senator Christopher “Bong” Go ang panibagong bersyon nito — ang Senate Bill No. 2503 o ang New Philippine Medical Technology Act of 2025.

“RA 5527 has served as a foundation for the profession, but many of its provisions no longer reflect the current advancements and standards in medical practice,” ayon kay Sen. Christopher “Bong” Go.

Layunin ng panukala na iangkop ang batas sa makabagong teknolohiya, mas mataas na pamantayan, at lumalawak na papel ng mga medical technologist sa bansa.

Kabilang sa mga probisyon ng panukala ang pagtataas ng kwalipikasyon para sa mga medical technologist, tulad ng mas mahigpit na licensure exam, revised curriculum, at mandatory continuing professional education.

Mas pinalawak din ang saklaw ng kanilang tungkulin — mula molecular diagnostics at cytogenetics, hanggang research, training, at quality assurance.

Kasama rin sa panukala ang karagdagang proteksyon at benepisyo para sa mga medical technologists. Itinakda rito ang minimum Salary Grade 15 para sa mga nagtatrabaho sa gobyerno katumbas ng sahod ng mga nars.

May nakalaan ding hazard pay, PPE allowance, at mental wellness support.

Bukod pa rito, ipinapanukala rin ang pagbuo ng Technical Panel sa ilalim ng CHED, na tututok sa kalidad ng edukasyon at pagsasanay sa mga medtech programs sa buong bansa.

Kabilang ang mga medical technologists sa mga itinuturing na “unsung heroes” ng COVID-19 pandemic. Kaya’t layon ng panukalang batas na itaas ang dignidad, suporta, at propesyonal na pagkilala sa kanila.

Sa harap ng patuloy na pagtaas ng demand para sa maaasahan at makabagong diagnostic services, inaasahang magiging malaking hakbang ang panukalang ito upang itaas ang antas ng medical technology profession sa Pilipinas.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble