BINUKSAN ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gov. Daniel Fernando ang bagong outpatient wing ng Bulacan Medical Center (BMC) sa Barangay Guinhawa, Malolos noong Lunes, Nobyembre 14.
Ayon kay Chief Provincial Public Affairs Office Katrina Anne Balingit, 2 palapag na gusali ang pinondohan ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program na may tinatayang halagang P49 milyon, para sa lawak na 684 metro kuwadrado sa ground floor at 612 square meters sa ikalawang palapag.
Mahigpit namang pinaalalahanan ni Balingit ang mga kawani na gampanan ang kanilang mga tungkulin nang may integridad at paglingkuran ang mga Bulakenyo na nangangailangan nang may pagmamalasakit at pang-unawa.
Samantala, sinabi ni Provincial Health Officer 2 Dr. Hjordis Marushka Celis na ang bagong outpatient department (OPD) ay bukas tuwing weekday, 8:00 am-5:00 pm at kayang tumanggap ng 300-400 na pasyente kada araw.