ISASARA na ang southbound portion ng Roxas Blvd. sa mga motorista simula alas-6 ng umaga ng Sabado, Enero 15.
Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), ito ay upang bigyang-daan ang rehabilitation works ng Department of Public Works at Highways (DPWH) sa nasirang box culvert sa nasabing kalsada sa harap ng Libertad Pumping Station sa Pasay City.
Sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na ang rehabilitasyon ay kinakailanang gawin kaagad ng DPWH.
Gagawin ang pagsasaayos sa southbound lane ng Roxas Boulevard, sa harap ng HK Sun Plaza patungo sa flyover ng EDSA-Roxas Boulevard.
Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong kalsada.
Para sa mga light vehicles, maaring dumaan sa:
– Mula Bonifacio Drive/Roxas Boulevard: magtungo sa Roxas Blvd.-Buendia Avenue service road, kanan sa Buendia Avenue Extension at kaliwa sa Diosdado Macapagal Boulevard patungo sa kanilang destinasyon.
– Mula Bonifacio Drive/Roxas Boulevard: kanan sa HK Sun Plaza access road, kaliwa sa Diosdado Macapagal Boulevard patungo sa destinasyon.
– Mula Bonifacio Drive/Roxas Boulevard: kaliwa sa Pres. Quirino Avenue patungo sa destinasyon.
Samantalang ang heavy vehicles/trucks/trailers, maaring kumaliwa sa P. Burgos Avenue, patungo sa Finance Road at Ayala Boulevard, tapos ka kanan sa San Marcelino Street, patungo sa P. Quirino Avenue hanggang sa South Luzon Expressway.
Pagkatapos nito, northbound lane naman ang isasara.
Tiniyak naman ni Engr. Neomie Recio, Director ng MMDA Traffic Engineering Center, na magdedeploy ang ahensya ng mga enforcer para sa traffic management sa lugar.
Tatagal ng dalawang buwan ang pagsasara at pagsasaayos ng nasabing kalsada.
Kaya agad na humingi ng pang-unawa si Abalos sa mga motorista.
Sa kasalukuyan, nasa 887 cargo trucks at 1,029 trailers ang dumadaan sa southbound direction ng Roxas Boulevard kada araw.