GINUGUNITA ng bansa ang ika-81 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan o ang Day of Valor ngayong araw ng Lunes.
Pero sa ating modernong panahon ngayon, alam pa kaya ng mga Pilipino ang kahalagahan ng makasaysayang araw na ito? Anu-ano ang kanilang maging kontribusyon sa bansa upang kanilang maipakita na sila ay magiting.
Iba’t iba ang mga naging sagot ng ating kababayan.
“Aminado po ako, na dahil po sa mga nangyayari sa akin din po ngayon personal man o akademikong mga ginaganap, nawawala na rin po sa aking isipan kung ano po talaga yung dapat igunita nga po sa araw na ito,” sabi ni Paulene Guileño, estudyante.
“Para bigyan pong halaga yung ating mga bayani? Yung mga bayani na tumulong pa sa ating bansa,” ayon kay Elena Los Baños, estudyante.
“Para i-commemorate yung kagitingan ng mga bayani po natin, na nadaan po sa history natin, kaya mayroon tayong kalayaan ngayon,” ayon naman kay Jonathan Perdigon, estudyante.
“Para i-celebrate yung pagiging magiting natin bilang isang Pilipino,” ayon naman kay Euhanna Agustin, estudyante.
Katapangan ng mga sundalong Pilipino sa Battle of Bataan, ginugunita sa Araw ng Kagitingan
Ayon kay Prof. Roland Simbulan, isang Historian at Social Scientist, na layon ng Araw ng Kagitingan na gunitain ang naging sakripisyo ng mga libu-libong sundalong Pilipino at Amerikano laban sa pananakop ng mga Hapon noong World War II.
“Itong Araw ng Kagitingan originally ang tawag nila officially Bataan Day para parangalan yung mga Pilipino at Amerikano na lumaban sa Bataan para idepensa ang ating bansa laban sa pananalakay or invasion ng mga Hapon noong 1942,” saad ni Prof. Roland Simbulan, Historian / Social Scientist.
Noong April 9, 1942, tuluyang nasakop ng mga sundalong Hapon ang bansa nang bumagsak ang Bataan.
At nang sumuko ang mga sundalong Pilipino at Amerikano, nagsimula ang tinagurian sa kasaysayan bilang ‘Bataan Death March’.
Ito ang sapilitang pagmartsa ng mga Pilipino at Amerikanong sundalo mula Mariveles, Bataan hanggang Capas, Tarlac.
Ayon pa kay Simbulan bagama’t natalo ang Pilipinas sa ‘Battle of Bataan’ ay naging inspirasyon ang katapangan na ipinakita ng mga sundalong Pilipino.
“Bagamat natalo tayo sa particular battle na iyon, nagsurrender. Pero naging inspirasyon yung katapangan niyon later yung mga guerilla. Noong panahon ng pananakop ng mga dayuhang Hapon sa Pilipinas ay inspired ang mga tao sa ipinakitang kagitingan ng ating mga kawal, kawal diyan sa Bataan,” dagdag ni Simbulan.
“Maipapakita ko po yung kagitingan ng isang Filipino youth kahit po in terms of online. Puwede po namin siyang gamitin na medium or media na ito para maipaglaban kung ano yung tama. At saka para maging active din kami sa social issues na mayroon sa society natin ngayon,” ani One Salazar, estudyante.
Sa panahon ngayon, paano ba maipamamalas ng modernong henerasyon ang pagiging magiting?
“We can spread this by advocating for what is right by avoiding misinformation just as simple social media posts and sharing what is factual. Siguro maibibigay rin natin siya sa pagspread din po ng inclusivity among everyone na hindi po tayo nakakaground ng other rights ng ibang tao po,” ayon kay Jonathan Perdigon, estudyante.
Paglaban sa mga suliranin sa lipunan, ipinanawagan ni VP Sara Duterte sa Araw ng Kagitingan
Samantala, nakiisa rin si Vice President Sara Duterte sa paggunita sa Araw ng Kagitingan.
Sa kaniyang mensahe, nanawagan si Vice President Duterte sa lahat ng Pilipino na labanan ang mga suliranin sa lipunan na nagsasanhi ng korupsiyon sa pundasyon ng pamamahala.
“We are called on this occasion to embody a strong sense of bravery in rising above the unconquerable challenges of nationhood as we tirelessly commit to our enduring fight against the social ill,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.