KASABAY ng pagdiriwang ng National Teacher’s Month, muling binigyang-diin ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang kahalagahan ng papel ng mga guro sa pagpapaunlad ng bansa.
Ayon kay VP Duterte, katuwang ng pamahalaan ang mga guro sa paghubog sa mga kabataang Pilipino upang makamit ng mga ito ang kanilang mga pangarap at maging mga propesyonal at produktibong indibidwal.
“Katuwang ng pamahalaan ang ating mga guro sa paghubog ng mga kabataang Pilipino para makamit nila ang kanilang mga pangarap sa buhay at maging mga propesyonal at produktibong kasapi ng komunidad na magdadala sa bansa sa kinabukasan na hinahangad ng mga Pilipino,” pahayag ni VP Sara Duterte.
Kinilala ni Duterte ang dedikasyon, lakas ng loob, at propesyonalismo ng mga guro at maging ang kanilang pagmamahal sa bansa lalo na sa mga estudyante.
“Hindi matatawaran ang dedikasyon, lakas ng loob, at propesyonalismo ng mga Pilipinong guro. Pinapatibay ng inyong pagmamahal sa bansa at pagmamahal sa kapwa Pilipino, lalo na sa mga kabataan ang mga pundasyon ng inyong propesyon,” ayon kay VP Sara.
Dagdag ng Pangalawang Pangulo, hindi basta-basta ang sakripisyo ng mga guro lalo na sa mga nagtuturo sa malalayo at liblib na lugar.
Kaya aniya nararapat sa mga guro ang paggalang at paghanga dahil sa kanilang dedikasyon sa paggabay at pagtulong sa mga mag-aaral at mga magulang.
Lalo na aniya sa panahon na kung kailan ang mga estudyante ay kailangang mag-aral sa loob ng tahanan dahil sa COVID-19 pandemic.
“Our teachers deserve respect and admiration for their undying dedication to guiding and helping our learners, parents, and guardians when the whole world had to shift to home learning drastically because of the pandemic,” ayon sa Pangalawang Pangulo.
Kinilala rin ng Bise Presidente ang pangunguna ng mga guro para masigurado na magtatagumpay ang pagbubukas ng in-person learning.
Sa huli tiniyak ni VP Duterte na pagtutuunan ng kagawaran ang mga hinaing at mga pangangailangan ng mga guro.