MALIBAN sa pertussis, ay nakatutok din ngayon ang Department of Health (DOH) sa pagsipa ng kaso ng measles o tigdas sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito ay matapos ang deklarasyon ng outbreak doon dahil sa tigdas.
Sa datos, mula Enero 1 hanggang Marso 20 ay nakapagtala ang rehiyon ng 592 na kaso.
521 dito ay mga hindi bakunado habang 71 ang naturukan ng bakuna.
Pinakaapektadong lugar ay ang Lanao del Sur na mayroong 220 na kaso ng tigdas.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, dahil sa ‘vaccine hesitancy’ kaya sumipa ang measles cases sa BARMM.
Sinimulan na ng DOH ang malawakang bakunahan sa BARMM.
Nasa 500,000 na ang kanilang nabakunahan pero ayon sa kalihim malayo pa ito sa 1.3M na target ng kanilang vaccination para makontrol ang pagtaas ng kaso.
Nanawagan na rin ang Ministry of Health Deputy Minister ng BARMM na si Dr. Zul Qarneyn Abas sa mga magulang doon na pabakunahan ang kanilang mga anak.
Sa isang pahayag, sinabi nito na ang bakuna ang pinakamabisang depensa laban sa sakit.
Aniya, ang pagsugpo sa sakit ay nangangailangan ng kanilang kooperasyon.
“Hinihikayat namin ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa tigdas. Ito ang pinakaligtas na depensa laban sa virus. Sa inyong pakikipagtulungan sa amin, maaari nating mabawasan ang pagkalat ng naiiwasang sakit na ito,” saad ni Dr. Zul Qaryneyn Abas, Deputy Minister, Ministry of Health ng BARMM.
Ang tigdas ay isang sakit na dala ng measles virus na madaling kumalat sa mga lugar na mababa ang vaccination rate at nagdudulot ng malaking banta sa kalusugan ng publiko.
Maaari nitong maapektuhan ang sinuman ngunit pinakakaraniwan ito sa mga bata at madaling kumalat kapag ang mayroon nito ay huminga, umubo, o bumahing.
Maaari din itong magdulot ng malalang sakit, komplikasyon, at maging kamatayan.