PALALAKASIN ng Department of Trade and Industry (DTI) ang Bambike Night Tours program bilang paraan ng mga lokal at dayuhang turista na makapag-ikot sa buong Intramuros sa Manila na tinaguriang “Historical Town”.
Bagama’t pinakalayunin ang maging ‘unique’ ang experience ng mga turista dahil sa bamboo bikes, isinusulong din ng programa ang isang sustainable tourism.
Ibig sabihin, hinihikayat ang lahat na bumibisita sa Intramuros na gumamit ng alternatibong uri ng transportasyon na hindi nakasasama sa kalikasan.
Ang limang kilometrong bike tour ay magsisimula sa Fort Santiago, dadaan sa Memorare de Manila 1845, San Agustin Church, Casa Manila, Puerta del Parian, Plaza Roma o Manila Cathedral, Plaza Moriones, at magtatapos pabalik sa Fort Santiago.
Tinatayang nagkakahalaga ng tig-P1,799 bawat tao ang bike tour at hindi pa kasali rito ang karagdagang mga bayad para naman sa extra accommodations.
Sa lahat ng interesado, available ang bike tours araw-araw, mula 5:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi.