NAGBIGAY ng go-signal si King Charles III para sa isang bank holiday sa buong United Kingdom sa araw ng libing ng kanyang ina na si Queen Elizabeth II.
Gaganapin ang state funeral para sa Reyna sa Setyembre 19.
Kinumpirma ng bagong hari ang bank holiday sa araw na ito sa kanyang seremonya sa London na nagpapahayag sa kanya bilang bagong hari.
Ang state funeral ay gaganapin sa Westminster Abbey, isang respetadong royal venue na nagsilbing venue din para sa kasal ni Queen Elizabeth II kay Prince Philip noong 1947 at coronation service sa mga hari at reyna ng Britanya.
Upang gunitain ang buhay at serbisyo ng Reyna, ang mga pinuno ng estado mula sa buong mundo ay inimbitahang sumali sa mga miyembro ng Royal Family.
Para sa araw ng state burial, inaasahang ipagpapaliban ng ibang mga tao ang ilang bahagi ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, katulad na lamang ng ilang negosyo at organisasyon na piniling suspindihin o ihinto ang kanilang mga operasyon sa araw na iyon.
Ang gobyerno ay nagdeklara ng panahon ng pambansang pagluluksa, na magpapatuloy hanggang sa araw ng paglilibing ng estado.
Kahit na hindi kinakailangan, ilang mga kaganapan na nakatakdang maganap pagkatapos ng pagpanaw ng Reyna ay nakansela na o naantala ng ilang araw.
Ang Premier League, English Football League, Scottish, at Northern Irish football fixtures ay na-reschedule para sa Martes.
Maraming golf, boxing, at horse racing events ang ipinagpaliban din.
Kasunod ng pagpanaw ng Reyna, agad na nakansela ang malakihang pagkilos ng strike na naka-schedule para sa susunod na linggo, at inihayag ng Trades Union Congress na ipagpapaliban ang kanilang annual convention nito sa Brighton ngayong katapusan ng linggo bilang paggalang sa namapayapang reyna.