NAGSASAGAWA lang daw ng regular simulation exercises ang bata-batalyong pulis na namataan sa Davao International Airport.
Ayon sa pahayag sa PRO 11, wala daw itong kinalaman sa anumang isyu.
Hinala kasi ng karamihan – bahagi ito ng paghahanda ng mga kapulisan sa diumano’y nakatakdang pag-aresto laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa International Criminal Court.
Pero giit ng PRO11, regular operation response lang daw iyon para sa mga pulis na naka-assign sa Davao Airport.
Nauna nang lumabas ang maraming report na nagpalabas raw ng arrest warrant ang ICC laban kay dating Pangulong Duterte, bagama’t wala pang kumpirmasyon ukol rito.
Sa kabilang banda, sinabi ni PNP Chief PIO sa Kampo Crame, Col. Randulf Tuaño, na nakahanda ang buong hanay ng kapulisan sa posibleng pag-aresto sa dating Pangulo kung kinakailangan.
“The PNP is prepared for any eventualities, Sir,” ayon kay Col. Randulf Tuaño, Chief, PNP-PIO.
Ang nasabing arrest warrant ng ICC ay matagal nang umuugong na maisisilbi ito bago pa matapos ang taong 2024, pero hanggang ngayon, wala pang lumalabas na kautusan sa pag-aresto.
Nauna na ring sinabi ni Dating Pangulong Duterte na lahat ng kanyang ginawa ay hindi para sa kanyang sarili kundi para sa mamamayang Pilipino para maging maayos, tahimik, at maayos ang dati niyang administrasyon.
Tumatak na nga sa lahat ng mga Pilipino ang matapang na kampanya ni Duterte kontra ilegal na droga, kriminalidad, pagkastigo sa mga abusadong mga pulis, at tiwaling politiko.
Kabaligtaran naman sa mga paninira kay Dating Pangulong Duterte ang mainit na pagtanggap ng mga OFW sa Hong Kong, kung saan bakas sa mga Pinoy abroad ang labis na pagkasabik na makita ang dating presidente.
Isa itong pasasalamat na inorganisa ng mga OFW sa Hong Kong para bigyang pugay ang mga nagawa ng dating Pangulo para sa mga Pilipino – partikular na ang pagmamahal at pagpapahalaga niya sa mga manggagawang Pilipino sa sa ibayong dagat.