NAGPATULOY ang pangako ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na magiging “Fighter” siya laban sa ilegal na droga, kriminalidad, at korapsyon kung siya ay muling mahalal sa Senado sa nalalapit na 2025 national at local elections.
Bilang isang dating hepe ng Philippine National Police (PNP), sinabi ni Dela Rosa na hindi niya nais maging politiko sa kanyang muling pagtakbo, kundi isang indibidwal na magtataguyod ng mga polisiya na magpapabuti at magpapaligtas sa bansa.
“Hindi ko gusto tawaging politiko. Dahil hindi naman talaga ako politiko, ‘yung aking ugali. Hindi ako laging politically correct sa lahat ng aking mga pahayag at aksyon. Hindi ko kailangang maging politically correct. Pero galing sa puso, ‘di ba? Kaya huwag niyo akong tawaging politiko. Tawagin niyo akong ‘fighter.’’
“Kung sakali man ako’y tulungan ninyong makabalik sa Senado at suswertehin na manalo, itutuloy ko ‘yang laban na ‘yan,” dagdag pa ng mambabatas mula Mindanao.
Naniniwala si Dela Rosa na ang paglaban sa ilegal na droga at mga ilegal na gawain sa loob ng gobyerno ay ang layunin ng kanyang buhay.
“Ipagpatuloy ko ‘yung aking laban—ating laban! Hindi ko ito personal na laban, laban nating lahat ito–laban sa droga, laban sa kriminalidad at laban sa korapsyon,” giit ni Dela Rosa.
Ang mga kandidato ng PDP-Laban para sa Senado ay maglulunsad ng kanilang kampanya sa Pebrero 13 sa Club Filipino sa Lungsod ng San Juan.