NAGPAALALA ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa matatanggap na dagdag na benepisyo sa mga manggagawa na magtatrabaho sa mga holiday ngayong buwan ng Pebrero.
Nasa dalawang special holidays ang itinakda ng pamahalaan sa buwan ng Pebrero na otomatik na mag-e-entitle sa mga manggagawa na magtatrabaho ng dagdag sahod.
Itinakda ng pamahalaan na special non-working days ang Pebrero 1 bilang Chinese New Year at Pebrero 25 bilang paggunita sa anibersaryo ng EDSA People Power.
Dahil dito ay muling nagpaalala si Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga employer hinggil sa karampatang benepisyo sa mga empleyado para sa naturang mga holiday.
Inilabas ni Secretary Bello ang Labor Advisory No. 3, Series of 2022, upang gabayan ang mga employer at empleyado sa tamang pag-compute ng premium pay para sa nasabing special non-working days.
Ang premium pay ay tumutukoy sa karagdagang kabayaran para sa trabahong ginawa sa loob ng walong oras sa loob ng non-working days , tulad ng special days.
Sa ilalim ng Labor Advisory, ang mga empleyadong magre-report sa trabaho sa nasabing mga araw ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanilang pangunahing sahod sa unang walong oras ng trabaho.
Ang mga empleyadong mag-o-overtime naman sa kanilang trabaho ay babayaran ng karagdagang 30 percent ng kanilang hourly rate sa nasabing araw.
Nakasaad din sa Labor Advisory na ang mga magtatrabaho sa isang special day na pumapatak din sa araw ng kanilang pahinga ay babayaran ng karagdagang 50 porsiyento ng kanilang pangunahing sahod sa unang walong oras ng trabaho.
Para sa mga empleyadong hindi nagtrabaho, ang prinsipyong “No Work, No Pay” ay dapat i-apply maliban kung mayroong isang paborableng patakaran ang kumpanya, practice , o collective bargaining agreement na nagbibigay ng kabayaran sa isang special day.