Beteranong brodkaster, bumuwelta sa Kamara: Pagdinig sa isyu ng social media, nagdulot ng pagkalito at kontrobersiya

Beteranong brodkaster, bumuwelta sa Kamara: Pagdinig sa isyu ng social media, nagdulot ng pagkalito at kontrobersiya

DIRETSAHANG sinagot ng beteranong broadcaster na si Jay Sonza ang kaugnay sa mga hakbang ng Kamara sa pagpapatawag ng mga indibidwal para sa gagawing pagdinig hinggil sa social media at mga epekto nito sa bansa.

“Alam mo ang problema kasi ng Mababang Kapulungan, iba ‘yung sinasabi nila sa ginagawa nila,” saad ni Jay Sonza, Veteran Broadcaster.

Kung maaalala, aniya, 40 social media personalities ang inimbitahan ng Tricomm para talakayin ang isang panukalang batas na layuning maglatag ng mga patakaran para sa tamang paggamit ng social media sa Pilipinas—isang hakbang na umano’y makakatulong para mapigilan ang mga maling impormasyon at maprotektahan ang mga netizen mula sa mga mapanlinlang na posts.

Pero nagbago ang lahat nang magsagawa ng presscon sa Batasang Pambansa ang mga kongresista. Dito, isa-isa nilang tinawag at ni-label ang mga social media personalities, at inakusahang pinopondohan umano sila ng China, POGO, at mga sindikato ng droga. Ang mga pahayag na ito ay nagdulot ng mga tanong sa kredibilidad at layunin ng mga hakbang ng Kamara.

“Sabi ko ang bigat ng statement na ito. Imagine mo, ‘pag pinakinggan mo, dapat talagang pagtuunan ng pansin,” dagdag ni Sonza.

Iginiit pa ni Sonza na mukhang nililito ng Kamara ang mga mamamayan tungkol sa tunay na layunin ng mga hakbang na ito. Ayon sa kanya, ang mga hakbang ng Kamara ay hindi tugma sa orihinal nitong layunin ng pagpapanday ng mga batas. Kaya naman nakukwestiyon na rin ang mga mambabatas dahil posibleng aniyang ginagamit ito para ilihis ang ibang mas mahahalagang isyu sa lipunan.

Matapos magsampa ng mga kaso sa Korte Suprema ang ilang social media personalities, at sampahan ng patong-patong na kasong libel si Cong. Ace Barbers, nagpatuloy ang mga kongresista sa kanilang media interviews, na nagdulot pa ng higit na pagkalito at mga katanungan mula sa publiko.

“Teka muna. Ano ba, akala ko ba magpapanday kayo ng batas? Akala ko ba magbabalangkas kayo ng panukalang ang policy? Bakit iba, di ba?” aniya.

Sa huli, nanawagan si Sonza na kailangang magtulungan ang mga mamamayan at mga lider para tiyakin ang katarungan at hindi hayaang maghari-harian ang mga nakaupo sa Kongreso. Dapat aniya ay maging responsable ang mga mambabatas sa kanilang mga aksyon at hindi magsulong ng agenda na maglalagay sa panganib ng dignidad ng sinuman.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble