BFAR, wala pang natatanggap na ulat na pinipigilan na ang Pinoy fishermen sa WPS

BFAR, wala pang natatanggap na ulat na pinipigilan na ang Pinoy fishermen sa WPS

MULING nanindigan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na hindi kinikilala ng Pilipinas ang apat na buwang fishing ban sa South China Sea at bahagi ng West Philippine Sea (WPS).

Kaya naman, wala raw dahilan para huminto sa pangingisda ang mga Pilipinong mangingisda sa WPS.

Sinimulan nang ipatupad ng China ang fishing ban sa South China Sea mula Mayo 1 hanggang Setyembre 16.

Nauna rito, sinabi ng China na ang coast guard nito ay magsisimulang magdetine, sa loob ng 60 araw nang walang paglilitis, ng mga dayuhang pumapasok sa karagatan na nasasakupan nito simula Hunyo 15.

Tinutulan ng Pilipinas ang bagong patakaran ng China, kung saan sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ito’y direktang paglabag sa international law.

Sa isang public briefing, ibinahagi ni BFAR spokesperson Nazario Briguera na wala pa silang natatanggap na ulat na pinipigilan na ang mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea makaraan ang deklarasyon ng China na fishing ban.

“Wala po tayong natatanggap na ulat at malinaw po ang posisyon natin diyan, katulad po ng posisyon ng Department of Foreign Affairs, noong ipinalabas nila ang protesta,” pahayag ni Nazario Briguera, Spokesperson, BFAR.

Kapag itinuloy naman aniya ng China ang pagdetine, ani Briguera, nangangahulugan ito ng panibagong paglabag ng nasabing bansa.

“Ito po’y would entail provocation, dahil ito po’y illegal, walang inaangklahang international law ang kanilang gagawing pag-aaresto sa ating mga mangingisda,” dagdag ni Briguera.

Una nang nabanggit ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla na nakahanda na ang kanilang contingency plan sakaling ituloy ng China ang banta nitong hulihin ang mga dayuhang mangingisda sa South China Sea.

“We have contingency plans that are in place in case that these ICAD activities of Chinese will pursue.”

“Ang ating Sandatahang Lakas ng Pilipinas, we are guided by the Constitution and the principles of the national sovereignty,” wika ni Col. Francel Margareth Padilla, Spokesperson, AFP.

Ayon sa BFAR, nasa mahigit 300,000 mangingisda ang umaasa sa pangisdaan sa WPS, na nag-aambag ng 11 porsiyento ng pambansang produksiyon ng isda sa bansa.

Tatlong rehiyon sa Pilipinas ang nasasakop sa WPS: ito ang Region 1, Region 3 at Region 4-B (MIMAROPA).

“Iyong production natin from the West Philippine Sea, in terms of marine capture fishes production, more than 11% ang ating marine capture fisheries ay nanggagaling po sa West Philippine Sea,” dagdag ni Briguera.

Follow SMNI NEWS on Twitter