UMAKYAT na sa 10 miyembro ng communist terrorist groups (CTGs) na CPP-NPA-NDF ang nasawi matapos ang nangyaring engkuwentro sa pagitan ng militar at rebeldeng grupo sa probinsiya ng Bukidnon, araw ng Pasko.
Ito ang kinumpirma ni 4ID Commander Major General Jose Maria R. Cuerpo II sa isang pulong balitaan, araw ng Martes.
“Today just a few minutes ago, we were informed by the operating group that they found another dead body doon sa area so it has 10 body that has been found,” pahayag ni MGen. Jose Maria Cuerpo II, Commander, 4ID, PA.
Bago pa man ito, Disyembre 1, 2023 ay nakatanggap na ng mga impormasyon ang tropa ng 4th Infantry Division ng Philippine Army na magsasagawa ng pag-atake ang komunistang teroristang grupong CPP-NPA-NDF sa isang construction company sa Brgy. Can-ayan sa Malaybay City Bukidnon.
Dahilan upang magsagawa ng operasyon ang militar sa nasabing lugar.
“Starting December may mga reports kami na mag-conduct”
“Na susunugin nila ang equipment ng isang construction company diyan” saad ni LtCol. Anthony Bacus, Commander, 8th Infantry Battalion, 4ID, PA.
Dahil dito ay naitaboy at nagpalipat-lipat ng lugar ang mga armadong grupo.
Hindi naman huminto at nagpatuloy lang ang tropa ng militar sa pagtugis sa mga rebeldeng grupo. Dahilan ng serye ng operasyon ng militar.
Habang nagpapatuloy ang operasyon ay nakatanggap ng impormasyon ang 403 Infantry Brigade na Disyembre 21 ay magsasagawa ng pagtitipon ang grupo sa Sitio Kieto, Brgy. Can-ayan Malaybalay City Bukidnon.
Kaya napagpasyahan ng tropa na salakayin ang nasabing lugar ngunit pahirap sa kanila ang mga itinanim na bomba sa paligid ng pinagtataguan ng mga rebeldeng grupo.
Kaya upang hindi malagay sa alanganin ang tropa ng militar ay humingi na rin ito ng tulong sa Philippine Air Force.
Sa ngayon habang nagpapatuloy pa ang pagtugis ng militar sa mga nagsitakas na miyembro ng komunistang grupo, inaasahan ng pamahalaan na madadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi sa panig ng mga rebelde.
Maliban sa mga nasawi, narekober din ng Philippine Army ang samu’t saring matataas na kalibre ng armas at mga granada.
Samantala, inamin naman ni MGen. Cuerpo na malaking tulong sa kanila ang ginawang kooperasyon ng mga sibilyan sa pagsasagawa ng kanilang operasyon laban sa mga terorista.
Gayunpaman sa kabila ng maituturing na tagumpay, nanghihinayang ang heneral dahil sa kabila ng panawagan ng pamahalaan na bibigyan ng bagong buhay ang mga naligaw ng landas ay mas pinili pa ng mga ito ang paniwalaan ang maling idelohiya.