UMABOT na sa 110 ang nasawi dahil sa paghagupit ng Bagyong Paeng batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong umaga.
Sa mga napaulat na namatay, 79 rito ang kumpirmado na habang 31 ang bineperipika pa.
Pinakamaraming bilang ng kumpirmadong nasawi ay mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Habang nakapagtala rin ang NDRRMC ng 101 sugatan, kung saan 63 rito ang kumpirmado habang 38 naman ang sumasailalim sa berepikasyon.
23 naman ang kumpirmadong nawawala habang 10 pa ang bineperipika.
Ayon sa NDRRMC, patuloy ang koordinasyon ng kanilang tanggapan sa Local Civil Defense ng mga lokal na pamahalaan na lubhang tinamaan ng Bagyong Paeng.