UMAKYAT na sa 116 ang naiulat na nasawi dahil sa Bagyong Kristine.
Ito ang kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa press conference nito sa tanggapan ng ahensiya.
10 rito ang kumpirmado ng ahensiya habang nasa 39 naman ang naitalang missing, isa rito ang validated habang 109 ang naiulat na injured subalit isasalang pa ang mga ito sa validation.
97 bayan at siyudad, nananatili pa ring lubog sa baha—NDRRMC
Samantala, kinumpirma rin ng NDRRMC na marami pang lugar sa bansa na hanggang ngayon ay lubog pa rin sa tubig-baha dahilan para ‘di pa makabalik ang libu-libong pamilya at indibidwal sa kani-kanilang mga tahanan.
Sa kabuuang tala ng NDRRMC, mula sa 306 na munisipalidad at lungsod na nalubog sa baha, nasa 97 na bayan at siyudad pa ang nananatiling lubog sa tubig-baha dulot ng Bagyong Kristine.
Nananatili pa rin sa evacuation centers ang nasa mahigit 143K pamilya bunsod ng pananalasa ng Bagyong Kristine sa malaking bahagi ng bansa.
Katumbas ito ng mahigit kalahating milyon pang indibwal na hindi pa rin makabalik sa kani-kanilang tahanan dahil sa hindi pa rin humuhupa ang tubig-baha sa kanilang lugar.
Mahigit 100K pamilya, ‘di pa rin makauwi sa kanilang tahanan dahil sa tubig-baha dulot ng Bagyong Kristine
Bukod sa mga nasa evacuation centers, naitala rin ng ahensiya ang nasa mahigit 108-K na pamilya o katumbas ng halos kalahating milyong indibidwal ang hindi pa rin nakakauwi sa kanilang mga tirahan.
Sa ngayon, tuluy-tuloy ang mga programa ng pamahalaan para sa pagbibigay tulong sa mga nasalanta ng bagyo, kasabay ng pakiusap sa publiko na maging mapagmatyag sa mga paparating pa na sama ng panahon para maiwasan ang pagkasawi ng buhay at mailigtas sa anumang kapahamakan.