TULUY-tuloy ang dagsa ng mga pasahero sa mga paliparan ng bansa ngayong holiday season.
Sa panayam ng SMNI News kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Eric Apolonio, ito’y dahil sa mas maluwag na restrictions sa gitna ng COVID-19 pandemic, panahon ng Kapaskuhan o holidays at ang pagbubukas ng ibang paliparan para sa commercial flight operation gaya ng Loakan Airport sa Baguio at Boronggan Airport sa Eastern Samar.
Nagkaroon na rin ng direct flights ang Kalibo International Airport patungong South Korea at ang Palawan International Airport patungong Taipei o vice versa.
Ayon pa kay Apolonio na bago ang pandemya, noong 2019, ang mga paliparan na pinapatakbo ng CAAP ay nakapagsilbi ng mahigit 29 milyong pasahero sa 44 airports na ino-operate ng CAAP.
Habang umabot naman sa 2.5 milyong pasahero ang dumagsa sa buwan lamang ng Disyembre 2019.
Naitala naman simula Enero hangang Nobyembre ng taong kasalukuyan umabot na sa 18 milyong pasahero ang umaalis at dumarating sa mga paliparan na hawak ng CAAP.
Kinumpirma rin ni Apolonio na inaasahan pa ang pagdagsa ng mga pasahero matapos ang holiday season.
Samantala naitala naman ng MIAA na as of December 1-29, 2022 umabot na sa 3.2 milyon ang volume ng pasahero sa NAIA terminals.
Sa parehong panahon naitala na noong December 2019 umabot sa 3.9 milyon ang dagsa ng mga pasahero sa NAIA habang noong taong 2021 ay nakapagtala naman ito ng 1.2 milyong pasahero sa buwan ng Disyembre.
Ayon naman kay Transportation Secretary Jaime Bautista na kahit tumataas na rin ang bilang ng mga pasahero sa NAIA ay nagpakalat na ito ng crowd control personnel.
Partikular na aniya nakadeploy ang crowd control personnel sa check -in counters.
Sila ang nagmomonitor at nakikipag ugnayan sa airline personnel para matiyak ang maayos na pila ng mga pasahero gayundin sa pila sa Immigration counters.