Mga pasaherong magbabakasyon ngayong holiday season, dagsa pa rin sa mga paliparan

Mga pasaherong magbabakasyon ngayong holiday season, dagsa pa rin sa mga paliparan

DAGSA pa rin ng mga uuwing pasahero ang mga paliparan sa bansa para magbabakasyon ngayong holiday season.

Ilang tulog na lang Pasko na pero marami pa rin sa mga pasahero ngayon sa NAIA ang nagsisiuwian at magbabakasyon para gunitain ang araw ng pasko.

Kagaya ni Elegio isang taon na siyang hindi nakakauwi sa kanilang probinsya sa North Cotabato.

Nag-aaral siya ng isang kurso sa paaralan ng Marine sa Bataan.

Sa ganitong holiday season lamang ang paraan para muling makapiling ang kanyang pamilya.

Iba naman ang gusto ni Charo, gusto niyang mapag-isa sa kanyang pagbabakasyon sa Boracay at doon na rin gugunitain ang Pasko.

Ayon sa Manila International Airport Authority mula December 1 hanggang 21 pumalo na sa 2.4 million ang bilang ng mga pasahero na pumasok at lumabas sa NAIA.

Una nang inihayag ni MIAA General Manager Cesar Chiong para maiwasan ang congestion sa mga terminal, inalis na ng MIAA ang vehicle inspection at inalis na rin ang mga xray machines pagpasok ng mga terminal sa NAIA.

Ito’y alinsunod aniya sa International Airport Standards.

Ang AirAsia Philippines naman ay nagdagdag na ng mga ground staff para tiyaking mabilis na maseserbisyuhan ang kanilang mga pasahero ngayong dagsa na ang mga ito sa NAIA Terminal 3 at 4.

“Ngayon pong darating na Pasko at bagong taon gawa po ng napakaraming nating kababayan ang nag la-last minute travel pauwi sa kanilang probinsya ay talagang napupuno po ang Terminal 4, pero ang ginagawa po ng AirAsia sa ngayon ay nagdagdag po kami ng tao namin, ground staff para ma-assist po yung mga pasahero na nakapila, papasok dito sa NAIA Terminal-4,” saad ni Carlo Carongoy, Spokeperson, AirAsia Philippines.

Payo naman ng naturang airline maglaan ng mas mahabang oras bago ang flight upang hindi na maabala sa lugar na pupuntahan lalo na ngayon mabigat ang daloy ng trapiko sa Maynila papuntang NAIA terminals.

“Mag a-lot po tayo, kung domestic po ang travel we advice po na mag a-lot po tayo ng tatlong oras at apat na oras naman for International travel,” ayon kay Carlo Carongoy, Spokeperson, AirAsia Philippines.

Sa panayan naman ng SMNI News kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) umabot na sa 44 Airports ang pinapatakbo na ngayon ng naturang ahensya.

Ito’y matapos mabuksan na ang Loakan Airport sa Baguio at Borangan Airport sa Eastern Samar.

At bago matapos ang buwan ng Disyembre inaasahan naman na aabot na sa 2.9 ang volume ng mga pasahero sa mga paliparan na hawak ng CAAP.

Isa rin sa mga pangunahing mataas na demand na mga pumapasok at lumalabas na mga pasahero sa mga paliparan ay ang mga tourist destination.

Sa huling tala ng CAAP umabot na sa humigit kumulang 18 milyong volume ng pasahero mula Enero hangang Nobyembre 2022.

Follow SMNI NEWS in Twitter