OPISYAL nang nagtapos ang pilot implementation ng Tara, BASA! Tutoring program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) katuwang ang Department of Education (DepEd).
Ito ay isang programa kung saan pumili ang DSWD ng college students na kapos sa buhay na nagsilbing tutors.
Bilang tutors, kanilang tinuruan ang mga non-reader grade school student na magbasa.
Bilang kapalit ay nakatanggap sila ng cash for work na ₱570 kada araw sa 20 araw na pagtuturo.
Sabi ng DepEd positibo ang naging resulta ng nasabing programa.
Ibinahagi ni National Capital Region (NCR) DepEd Regional Director Joyce Andaya na mula higit 17,900 estudyante na kinakailangan ng refresher lessons, bumaba ito sa higit 6,700 habang mula sa higit 2,000 non-readers, nasa 198 na lamang ito.
“Hindi naman lahat iyon attributed to Tara, BASA! Pero ang significant dito ay nagkaroon ng intervention at nagkaroon ng magandang resulta ang intervention na ‘yun na ang tawag ay Tara, BASA!” saad ni Dir. Joyce Andaya, Department of Education, National Capital Region.
Tara, BASA! Tutoring program ng DSWD, palalawakin pa sa mga karatig lalawigan ng Metro Manila
Sabi ni DSWD Rex Gatchalian na napagkasunduan nila ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na ipagpatuloy ang Tara, BASA! sa Metro Manila at palawakin muna ito sa mga karatig lalawigan.
“Our initial talks with the Vice President, she said na if we are going to expand it, I think logistically mas madali sa neighboring region. So we are looking at the province of Bulacan,” wika ni Sec. Rex Gatchalian, Department of Social Welfare and Development.
May mga lokal na pamahalaan na rin ani Gatchalian na nagpahayag ng interes sa nasabing programa tulad ng Samar, Marawi, at sa Taraca, Lanao del Sur.
DepEd, positibong mas dadami na ang mga estudyanteng Pinoy na marunong magbasa
May mga programa na rin ang DepEd na nakatakdang ipatupad sa susunod na taon tulad ng Catch-up Fridays upang matugunan ang hamon sa reading comprehension ng mga estudyanteng Pinoy.
Sa Catch-up Fridays, walang ibang gagawin ang mga bata kundi ang magbasa buong araw.
Naniniwala ang DepEd na sa pamamagitan nito kasama ng mga programa ng ibang ahensiya ng gobyerno ay dadami na ang bilang ng mga estudyanteng marunong magbasa.
“With the support of the other department agencies such as the DSWD, I do not see why we will not be able to increase the number of our students who can really read according to the grade level,” wika ni Dir. Joyce Andaya, Department of Education, National Capital Region.